Kung sabagay, di na ito bago sa Pasig. Matatandaang dito rin pinagbabaril at napatay si Cong. Henry Lanot habang nanananghalian sa isang restoran. Sa aking pagkakaalam, hindi pa rin nalulutas ng mga tila inutil na Pasig pulis sa ilalim ni Sr. Supt. Francisco Uyami, ang kasong ito. Nabanggit na rin lang yan, maitanong ko na rin kung ano na ang pinakahuli ukol sa pagpatay kay businessman Leonardo Umale habang papasok ito sa kanyang sariling gusali dyan mismo sa Pasig Central Business District? May nakalaboso na ba?
Mukha yatang pinagpipiyestahan ng mga kriminal ang Pasig. Kasi, tila hindi uso ang hulihan sa naturang siyudad na bukod sa pagiging Motel City ay kilala na rin bilang "shabu capital of the Philippines." Ito ay matapos salakayin ng Philippine National Police ang isang napakalaking shabu tiangge na ilang metro lamang ang layo sa tanggapan ni Meyor Enteng sa Pasig City Hall at sa presinto ng pulis. Ang raid ay hindi ipinaalam sa mga pulis Pasig sapagkat marami raw sa mga ito ang protector ng nasabing palengke ng droga na matagal na palang ipinaalam ng Barangay Captain ng lugar sa meyor. Sa laki ng lugar ay mahigit 300 katao ang nasakote nang ito ay salakayin. Madali sanang matutukoy ang mga owners, operators at financier ng tiangge, ngunit sa di malamang dahilan, itoy kara-karakang pina-demolish ni Meyor Enteng ilang araw matapos ang raid. Sa ginawang pag-demolish, nabura ang matitibay sanang mga ebidensiya na maaring magsangkot sa mga tiwaling city hall employee at mga pulis. Nakapagtataka ito.
Tungkol naman sa tangkang pagpatay kay Cong. Dodot, nakapagtataka din ang dali-daling pag-isyu ni Uyami na baka faulty wiring lang ang sanhi ng pagsabog samantalang di pa man nag-uumpisa ang imbestigasyon. Ano ba namang klaseng police work yan, Chief? Malaking question mark din ang biglang pag-iingay sa media ng meyor. Kahit di pa man inuumpisahan ang pagsisiyasat tungkol sa insidente. Hindi pa naman daw kasi inaakusahan si meyor, panay na ang sabi nitong political gimmick lamang daw ni Cong. Dodot ang pambobomba. Napakaaga at napakamahal yatang gimik nyan.
Tila kapit-tuko ang mga Eusebio sa pwesto. Dati ay ang kanyang maybahay na si Soledad ang kanyang ipinanghalili nang hindi na siya pwedeng kumandidato dahil sa three-year term ban. Ngayon naman ang balita ay sapagkat lubhang may katandaan na raw si Meyor Enteng, ang anak naman nitong konsehal ang patatakbuhin para sa posisyon niya. Totoo kayang maraming katiwaliang madidiskubre sa city hall kapag napatalsik ang alkalde? Nagtatanong lang po.
Sana naman ay hindi palatandaan ng madugong 2007 election sa Pasig ang pagtatangka sa buhay ng batang representante. Makabubuti rin siguro na habang maaga ay i-relieve na ang buong kapulisan doon upang maiwasang maging election hot spot ang Pasig sa darating na halalan. At sana rin ay huwag munang pangunahan ni Meyor Enteng ang imbestigasyon sa kaso para hindi na lalong gumulo ang eksena.
Merry Christmas at kapayapaan sa lahat ng taga-subaybay ng Aksyon Ngayon!