Ito ang trahedyang dinanas ni Loida Leuterio. Ang detalye ng istoryang ito ay tampok sa aking artikulo para sa araw na ito.
Nagsadya sa aming tanggapan ang mag-asawang Loida at Jose Leuterio ng Karuhatan, Valenzuela City upang humingi ng tulong na madakip ang suspek sa pagpaslang ng kanilang anak.
Nagtatrabaho ang biktimang si Jowie bilang technician sa isang computer shop sa Manila. Tuwing kinsenas at katapusan kung umuwi ito sa kanyang mga magulang sa Valenzuela upang magbigay ng pera. Ayon sa kanyang mga magulang, mabait at maasahan ang kanilang anak.
Ika-18 ng Disyembre 2004 umuwi si Jowie upang magdala ng pera sa kanyang mga magulang. Kinabukasan, ika-19 ng Disyembre, araw ng linggo nang mayaya ito ng kanyang mga kaibigan na mag-inuman. Sa bahay ng kaibigan nitong si Nathaniel sila uminom kasama pa ang isang kaibigan na si Ian Roy. Katabi lamang ng mga Leuterio ang bahay nina Nathaniel. Bandang alas-9 ng gabi nang madaanan ni Jose ang kanyang anak na nakikipag-inuman. Pag-uwi ng bahay ay sinabihan nito ang asawa, si Loida na tawagin na si Jowie dahil maaga ang pasok nito kinabukasan.
Makalipas ang tatlumpung minuto ay tinawag na ni Loida ang anak. Sinabi naman nito na susunod na siya at pagkatapos ay pumasok na ng bahay si Loida. Samantala narinig ni Jose ang boses ng anak na noon nakikipagkuwentuhan pa sa kanyang mga kaibigan. Ilang saglit lang ay nawala na ang mga ito.
Samantala sa hindi kalayuang bahay ng mga Leuterio, may nag-iinuman ding nadaanan si Jose noong pauwi na siya ng bahay. Nang maramdaman ni Jose na wala na ang kanyang anak sa bahay nina Nathaniel ay agad niya itong pinasundan sa asawa.
"Noong lumabas ako nakita ko na parang may kaguluhan kung saan dalawang grupo ang naghahamunan. Nakita ko na naroroon ang anak ko. Inawat ko at pinauwi ko na ng bahay namin," kuwento ni Loida.
Sumunod naman si Jowie sa kanyang ina. Magkasabay na umuwi ng bahay subalit ang hindi nila alam ay may isang lalaki ang nakaabang sa mag-ina. Nakaaninag naman si Loida ng isang lalaki na inakala nitong nag-uusyoso lang kaya hindi nito masyadong binigyan ng pansin.
Nagulat si Loida nang biglang nilapitan ng lalaking ito ang kanyang anak at pagkatapos ay sinaksak ito. Humingi agad ng saklolo si Loida upang madala sa ospital subalit binawian na rin ito ng buhay.
Samantala hindi naman mapalagay si Jose kaya naman naisipan nitong lumabas upang sundan ang kanyang mag-ina. Nakita na lang ni Jose na buhat-buhat na ang kanyang anak dahil may tama na ito ng saksak.
Ayon kay Loida, dayo lamang ang suspek na una nilang nakilala sa pangalang Robert Ursal. Nakursunadahan lamang ang anak niya nito hanggang sa nauwi sa paghahamon ng away. Matapos ang nangyaring insidente sa anak ay agad nilang inireport sa himpilan ng pulisya. Kasong homicide ang isinampa laban sa suspek. Nagkaroon ng preliminary investigation subalit hindi dumalo ang suspek. Lumabas ang resolution at labis na ipinagpapasalamat ng pamilya ni Jowie na kasong murder ang isinampa laban sa suspek.
Lumabas ang warrant of arrest subalit hanggang sa ngayon ay hindi pa nahuhuli si Albert. Hangad ng pamilya ni Jowie na mabigyan ng hustisya ang nangyaring pagpaslang dito.
"Huli na rin nang malaman namin na ang tunay na pangalan ng suspek ay Albert Ursal pala at hindi Robert. Nagpunta pa kami sa probinsiya nila at doon ay nakumpirma nga namin ang tunay nitong pangalan. Sana ay mahuli na si Albert upang pagbayaran nito ang kanyang ginawa," pahayag ni Loida.
Sa ngayon si Albert Ursal alyas Teteng ay subject ng isang manhunt dahil inatasan ni Department of Justice Secretary Raul Gonzalez ang National Bureau of Investigation. Patay o buhay kung ito man ay magre-resist.
Para sa anumang impormasyon na makapagbibigay-alam sa kinaroroonan ng suspek para sa ikalulutas ng kasong ito maaari kayong tumawag sa 638-7285 o di kayay sa 637-3965-70. Maaari din kayong mag-text sa 09213263166 o 09198972854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor Citystate Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
Nais kong pasalamatan si Mrs. Ilonor Madrid ng LTO Record Section, Central Office para sa lahat ng tulong sa mga taong dumudulog sa aming tanggapan. Mabuhay kayong lahat diyan.