Bayan muna bago ang sarili

KUNG maiiwasan din lang, ayaw kong magkomento sa aking column tungkol sa mga kaganapang pulitikal sa ating bansa at gusto kong tugunan na lamang ang mga suliraning inilalapit ng ating mga kababayan.

Subalit, sa pagkakataong ito, hindi ko mapigilan ang aking sarili dahil na rin sa patuloy na binubuhay na isyu ng Charter change ng mga mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Nagsalita na ang Korte Suprema sa naturang isyu: ilegal at may pagkukunwari ang tinatawag na Plan A People’s Initiative na isinusulong ng Palasyo at mga kapanalig nito upang ganap na baguhin ang Saligang Batas.

Subalit, sa kabila nito, mapilit pa rin ang mga kapanalig ni GMA, sa pangunguna ni House Speaker Jose de Venecia, na isulong ang Charter change at ngayon naman ay sa pamamagitan ng Constituent Assembly (ConAss). Alam naman ng lahat na ito ay ilegal dahil sila lamang sa Mababang Kongreso ang magdedesisyon sa bagay na ito at hindi na isasama ang Senado. Ayon pa nga kay De Venecia, nagsisimula nang "tumakbo" ang Charter change sa Kongreso at maari pa ring maipilit nila ito bago mag-Pasko kung saan ang plebisito ay maari raw maisagawa sa Pebrero.

Pansamantalang itinuon ko ang aking komento sa bagay na ito, dahil labis akong nagtataka sa ipinakikitang katigasan ng loob ng karamihan sa mga mambabatas. Bakit kailangang ipilit ang Cha-cha gayong ang buong bansa ay nasa state of national calamity dahil sa pinsalang dulot ni "Reming"?

Tila manhid na ang kalooban ng mga mambabatas, tulad ng mga nakaluklok ngayon sa Malacañang sa trahedyang sinapit ng ating mga kababayan sa Bicol region. Sa halip na isantabi ang Cha-cha at ang pabilisin ay ang rehabilitasyon at relief operation sa mga nabiktima ni Reming, inuuna pa nila ang pansariling interes.

Ayon kay Speaker De Venecia, gahol na kasi sila sa oras kaya minamadali nila ang Cha-cha. Ang aking tanong: Hindi ba gahol na rin sa oras ang ating mga nasalantang kababayan upang maisalba ang kanilang mga kabuhayan at kaligtasan ng kanilang mga mahal sa buhay? Sa panahon ng kalamidad, baka naman puwedeng interes muna ng bayan ang asikasuhin bago ang pansariling interes.
* * *
Ang Doktora Ng Masa ay handang magbigay ng serbisyo publiko. Maari kayong mag-e-mail sa: doktora_ng_masa@yahoo. com.ph o lumiham sa aking tanggapan sa Room 209, GSIS Building, Senate of the Philippines, CCP Compound, Pasay City.

Show comments