Klaro sa tatlong insidente: Pabaya ang mga tao sa pagtabi, paggamit at pagtapon ng nakalalasong kemikal.
Pinaka-mayamang siyudad sa bansa ang Makati, kaya mabilis nag-ospital ng mga biktima at naglinis ng pook. Pero hindi pala tinuturuan ang mga eskuwela sa maingat na pagtago ng pang-chemistry classes. Ang CFS Waste & Recycling Management Co., na nag-dump ng truck ng toxins sa Bulacan, ay kontratista sa paghakot ng basura ng mga pabrika. Hindi mali isipin na ilang beses na ito ginawa ng salaulang grupo. Mabilis ang pag-ako ng Tadeco sa toxic leak at pagtulong sa mga naratay, pero walang ulat kung ano ang lunas na nilapat para hindi na ito maulit. Nangyari pa ang pagsingaw sa gitna ng debate ng mga pinuno sa Davao na ibawal ang aerial spraying ng lasong pestisidyo na kumakalat sa mga pamahayan.
Masamang ugali ang pagtalikod sa aral ng kasaysayan. Nangalason ang mga taga-Miyamata, Japan, dahil sa mercury factory. Nangalagas ang mga gubat sa Indochina dahil sa yellow rain ng sundalong Amerikano. Sapat na leksiyon na yon. Pero dito, nilulusong ang tanker ship sa bagyo kaya nagkaroon ng oil spill sa Guimaras. Pati ang barge na pinanghakot ng sludge, lumubog dahil nilusong din sa habagat. Binabale-wala natin ang polusyon ng sasakyan, gayong carbon monoxide ang No. 1 killer gas.