Hindi nakuntento si Sotto sa pagdulog kay Gringo. Binaluktot pa ang istorya sa pagkakahuli. Sa personal na account ni PNP Maj. Nelson Yabut, nakita niyang nakadapa sa lupa si Gringo nang mabalian at masugatan ang parehong paa sa tangkang paglundag sa pader ng hideout. Inanunsiyo naman ni Sotto sa AM radio na na-fracture at natibo si Gringo nang tumalon mula sa kotseng tinutugis ng awtoridad.
Hindi natin matiyak kung ano ang pakay ni Sotto sa pagbibigay ng sariling bersiyon. Pinalalabas ba niyang mala-pelikula si Gringo kung lumusot sa dragnet, o sinisikap ilayo si Gringo sa eskandalo dahil nahuli sa bahay ng kerida? Pinagsisigawan umano ni Mrs. Jane Honasan si Gringo sa Camp Crame nang malaman na sa piling siya ni Ingrid Ramos nahuli.
Ang malinaw dito ay bulaan si Sotto. Pero tila bale-wala sa kanyang mabisto sa pagsisinungaling. Ang importante sa kanya, popular pa rin siya miski tatlong taon nagpahinga mula sa politika, at nasa Top Six ng mga malamang manalo sa halalang Senado sa 2007. Huwag sana siya pamarisan ng katotong Tessie Aquino Oreta, isa ring nagpahinga pero nagbabalak magbalik-Senado, lalo nat napabalitang Born-Again Christian siya na pinagsisisihan ang mga kasalanang politiko.
Kaya ko inuukilkil ang pagkatao ni Sotto ay dahil nag-anunsiyo na ito ng pagkandidato sa 2007. Ihaharap niya ang sarili para husgahan kung nararapat ba paupuin sa Senado, pasuwelduhin ng P45,000 kada buwan, laanan ng no-audit na P300,000-P500,000 kada buwan na chairmanship budget sa mga komite, at balatuan ng P200 milyong pork barrel kada taon.
Lumiham sa jariusbondoc@workmail.com