Pero nagtataka ang marami kung bakit hangga ngayon, wala pang kasong administratibo ang isinasampa laban sa alkalde kaugnay ng ultra stampede na ikinamatay ng maraming tao sa pagsisimula ng taong ito. Si Eusebio ang nagbigay ng permiso sa mga organizers ng special presentation ng pamosong TV game show na Wowowee kahit walang crowd control plan. Iyan ang basehan kung bakit inirekomenda ng NBI na kasuhan si Eusebio. Marso pa nang gawin ng NBI ang rekomendasyon sa DOJ matapos ang masusing imbestigasyon sa kaso. No action.
Dagsa-dagsa ang mga taong umagos sa Ultra noon at ni hindi na-monitor ng City Hall ang pangyayari, bagay na dapat panagutan ng alkalde. Balita ko pa, may walo pang kaso sa Ombudsman ang Mayor na hangga ngayoy nakabitin at di naaaksyunan.
May iba pang dapat linawin si Mayor. Nahalal siyang alkalde noong 1992. Matapos ang tatlong termino diskuwalipikado na siyang tumakbo muli at ang pumalit sa kanya ay ang kanyang misis na si Soledad. Tatlong taon ding naupo si Soledad at pagkatapos niya, balik sa puwesto si Mayor. May nabalitaan pa ako. Sa darating na eleksyon ay ang kanyang anak na si Bobby (kasalukuyang konsehal) ang tatakbo sa pagka- mayor ng Pasig. For health reasons daw ay hindi na kakandidato pa si Mayor Enteng.
Kapunapuna rin ang paglaki ng bilang ng mga squatter sa Pasig. Tanong ng barbero kong si Gustin - "baka mga botante iyan ni Mayor." Ang inilaang pondo ng lungsod sa relokasyon ng mga squatters ay P95 milyon pero ang balita ko, P10 milyon lang ang nagamit. Siguroy dapat ding ieksplika ni Mayor iyan.
At totoo ba Mayor Enteng na maraming "ghost employees" sa city hall down to the barangay level? At tinuturuan pa raw pati ang mga Sangguni-ang Kabataan na pumirma sa mga vouchers para sa mga ghost employees? Sanay sagutin punto por punto ni Mayor ang mga alegasyong ito.
Email me at alpedroche@philstar.net.ph.