Noong Linggo ng umaga ay kabilang ako sa milyun-milyong Pinoy na nanalangin at itinigil ang anumang gagawin at ginagawa upang mapanuod ang laban niya kay Morales na kilala rin bilang si El Terrible ng Mexico.
Sa unang round pa lamang ay kita ko nang kayang kaya ni Pacman ang katunggali bagamat lubos akong nag-aalala na baka makapag-bitaw ng lucky punch si Morales.
Sa ikalawang round sinubukan ni Morales makabawi pero bugbog sarado pa rin siya ni Pacquiao na halatang naiinip na at gusto ng tapusin ang laban. Suwerte nga ni Morales at umabot pa siya sa ikatlong round.
Sa ikatlong round, ilang beses tumumba si Morales hanggang sa sumuko na siya sa tiyak na kapahamakan. Simply outclassed si Morales ni Pacquiao na mistulang naglalaro na lamang. Pinakita ni Pacquiao na kaya niyang piliin ang round na pababagsakin ang kalaban. Ayaw niyang magtagal ang laban at gusto niyang ipakita na walang kaduda-dudang siya ang mas magaling.
Ang panalo ni Pacquiao ay nagdala sa atin ng halos ubos ng pride bilang isang bansa pero higit sa lahat ay may aral ito sa lahat ng Pinoy lalo na yung mga tinatawag nating mga underprivileged nating mga kababayan.
Mga kababayan nating nawawalan ng pag-asa dahil sa lubos na kahirapang inaabot sa panahong ito. Ipinakita ni Paquiao na hindi hadlang sa kaunlaran ang kahirapan bastat may pagsisikap at determination pero higit sa lahat disiplina.
Siya at marami pa nating mga kababayang nagbigay ng karangalan kagaya ni Ronato Alcano na nagwagi bilang kampeon ng billiard sa buong mundo ay magandang huwaran ng mga kabataan na kinabukasan ng bayan.
Lahat sila kahanga-hanga, may kanya-kanyang success story pero lahat sila ay pare-pareho ang sinunod at ginawa upang maging kampeon sa kani-kanilang larangan.
Una, lahat sila may matibay na pananalig sa DIYOS. Pananalig na ginamit nila upang lampasan ang kahirapan at pagsubok.
Pangalawa, lahat sila ay disiplinado. Hindi nila pinapayagan na matigil ang kanilang pag-eensayo ng anumang bagay. Walang kasing tindi ang kanilang disiplina.
Pangatlo, determinasyon. Kahit anong hirap, sinuong nila upang makuha ang tagumpay. Sa pananalig nila sa DIYOS, disiplina nila sa sarili at determinasyon na maabot ang pangarap ay nagawa nilang kilalanin sila hindi lang rito sa atin kung hindi sa buong mundo.
Pang-apat, marangal na pamumuhay sa pamamagitan ng pagbabanat ng buto at hindi sa panloloko o pagnanakaw. Pinakita ni Manny Pacquiao at ni Alcano ang ugali ng ating matatanda noong araw at iyan ay ang pagbabanat ng buto. Anuman ang inabot nila, nakuha nila dahil sa pagsisikap, pagtitiyaga at pagbabanat ng buto. Pawis at dugo nila ang pinuhunan nila at sa kanilang pag-akyat sa rurok ng tagumpay ay wala silang niloko o ninakaw.
Panglima, pagiging tapat at perfect na sportsman. Ni minsan, hindi dinaan ni Pacquiao, ni Alcano at iba pa nating kampeon ang manalo at all cost. Never silang nandaya o nanggulang. Gentlemen at sportsman ang dalawang ginoong ito.
Marami pa ho silang katangiang dapat nating gayahin, pero itong mga katangian nilang ito ang nawawala ngayon sa ating mga lider pulitika na nag-uumpisa pa lamang ang pakikipaglaban ni Pacquiao ay ginagamit na siya for political purposes.
Hindi ko na sasabihin ang mga pangalan ng mga pulitikong ito dahil agad-agad namang napuna ito. Kilala nyo na naman sila. Pero sa mga pulitikong ito, nakakahiya ho kayo dahil namigay nga kayo ng libreng panonood at pagkain pero charge naman sa inyong mga opisina. Niluto nyo naman ang mga kababayan natin sa sariling mantika.
Sa mga nakapanood at nakakain ng libre, magpasalamat kayo sa sarili nyo dahil pera nyo rin ang ginastos diyan. Dapat magalit kayo dahil may kumita pa riyan. Ang isang lunch pack na dapat magkahalaga lamang ng P40 ay siningil ng P100 mula sa city hall. Mga t-shirt naman na may pangalan ng kandidato ay pinabayaran naman sa supplier ng P300 bawat isa.
Tsaka anong pagkakaisa ang pinagsasabi nyo, agad nyong binahiran ng pulitika ang dapat sanang perfect na panahon upang magkaisa tayo at i-cheer si Manny Pacquiao.
As in all great sports heroes, honest at fair ang dalawa. Hindi kagaya ng mga lider pulitiko natin na magnanakaw, mandaraya at sinungaling. Narating nila ang tagumpay sa pamamagitan ng sipag, tiyaga, pananalig sa DIYOS, determinasyon, disiplina at pagiging tapat.
Sila at marami pa nating mga kababayang matagumpay sa ibat ibang larangan ang dapat tularan ng ating mga kabataan. Sila ang mga dapat magsilbing ehemplo para sa kinabukasan ng bayan at hindi ang mga political leaders natin na hanggang sa araw na ito ay hindi masagot ang simpleng tanong na, nandaya ka ba? nagsinungaling ka ba? o nagnakaw ka ba?
Sana lamang sila ang makahawa at hindi sila ang mahawa ng mga pulitiko natin ngayon pa lamang ay ginagamit na sila at binabakuran at pinapaligiran upang gamitin sa kani-kanilang kampanya.
Muli, MABUHAY KA MANNY PACQUIAO! MABUHAY KA RONATO ALCANO! MABUHAY ANG PILIPINO!!!