Araw ng mga Patay, bayan ng multo!!!

BUKAS ho ay ating ioobserba ang All Saint’s Day kung saan dinadalaw natin ang mga kapamilya at kamag-anak na naunang yumao. Una-una lang kasi ang pagsasakabilang buhay dahil lahat tayo ay darating din sa panahong kailangan nating humarap kay GOD at managot sa ating panahon sa daigdig.

Iyan ho ang dahilan kung bakit madalas kong sabihin sa mga corrupt at mapang-aping mga makakapangyarihang tao na hindi nila madadala sa hukay ang kanilang mga nakaw na yaman.

We will be judge according to what we did and not for what we accumulated, sabi nga ng isang kaibigan kong Ministro. Naniniwala ako rito kaya muli sa panahong ito na inaalala natin ang ating mga pumanaw na mahal sa buhay ay pinaalalahanan ko ang mga corrupt, sinungaling, mandaraya at magnanakaw na hindi kaya ng kahit na gaanong kalaking halaga ang pahabain ang buhay ninuman.

Paalala ko yan lalo na sa mga opisyal ng gobyerno mula sa mga taga Commission on Election (Comelec) na sumobra ang pang-aalipusta sa mga patay at ginagamit pa sila at pinaboboto.

Kasama rin diyan ang mga opisyal ng Singaw ng Bayad, oops, sorry, Sigaw ng Bayan pala na pati mga nakalibing na ay pinalabas nilang lumagda sa kanilang PI kuno. Hindi na sila nagkasya na pekein ang pirma o lokohin ang sambayanan, dinamay pa nila pati mga patay.

Reminder din sa mga opisyal ng pamahalaan, mula sa Malacañang hanggang sa mga local na opisyal na alam ko namang maraming mga tinatagong mga ghost employees.

Open secret ho ang pagkakaroon ng mga ghost employees sa iba’t ibang sangay ng gobyerno lalo na doon sa mga posisyong political o di kaya’y mga naghahangad ng political position.

Kinukuha talaga nila ang kanilang mga kakampi, kaalyado, kasabwat, kaibigan, kapamilya at kung anu-ano pa at bibigyan ng trabaho kung saan kailangan lang itong magpakita tuwing a-kinse at a-treinta.

Patama rin ang isyung ito sa mga pulitikong ito na nagsasabit ng mga Happy Halloween at kung anu-ano pang greetings sa sementeryo na may nakalagay pang mga pangalan nila.

Kesa makatulong sila ay nakikigulo pa dahil ang mga streamers nila ay sobrang malalaki at kailangan pang hawiin ng mga dumadaan. Kung talagang nais ninyong malagay ang pangalan n’yo sa mga sementeryo, bakit hindi na lang kayo magpalibing nang buhay at palagay kayo ng pangalang malaking marmol sa inyong nitso.

Calling also Madam Senyora Donya Gloria sa kanyang kautusan na alisin at linisin ang hanay ng gobyerno ng ghost employees. Sana hindi lang doon sa mga kalaban kung hindi pati sa kakampi. Sama n’yo na riyan ang isang babaing kongresista sa Metro Manila na ultimo katulong niya ay pinasusuweldo ng isang opisina sa gobyerno.

Ganoon din ang alkalde ng isang pangunahing bayan sa Metro Manila pa rin na tadtad ng ghost employees at iisipin mo na sementeryo ang opisina dahil maraming empleyado pero hindi mo makita. Of course nakikita ang mga ito tuwing 15 at 30 ng buwan. Lately nga, dinadagdagan pa niya upang tiyakin na mananalo ang kanyang anak na nais niyang humalili sa kanya.

Totohanin sana ni Madam Senyora Donya Gloria ang kautusan niyang ito at hindi ito hanggang press release lamang bago magkaroon ang Pilipinas ng panibagong bansag na

Anyway, BAYAN NG MULTO!!!
* * *
Tungkol pa rin sa Araw ng mga Patay, lubos akong nagtataka kung bakit biglang-bigla ay ayaw ni Madam Senyora Donya Gloria na ideklarang holiday ang November 2 upang mapagbigyan ang ating mga kababayang makauwi sa kani-kanilang probinsiya upang dalawin ang kanilang mga patay.

Dati-rati, kung anu-anong dahilan lamang ay idedeklara niya na walang pasok lalo na kung may nakaamba na rally sa Metro Manila pero sa pagkakataong ito ay pinanindigan ng Malacañang ang desisyon na November 1 lamang ang holiday.

Sana pati November 2 ay gawing holiday para sa mga kababayan nating nais umuwi sa kani-kanilang probinsiya.
* * *
Bago ko tapusin ang aking column payagan n’yo akong batiin ang mga empleyado ng Binondo Suite sa Ongpin corner Sabino Padilla na mas kilala bilang Gandara. Diyan ho ako madalas at talaga namang courteous ang mga tauhan nila riyan.

Ganoon din kay Norberto Domingo, Aaron Batad at Pio Lorenzo na mga guwardya sa Greenhills East dahil din sa pagiging courteous kahit na ipinatutupad ang security sa naturang lugar.

Mga barangay kagawad din sa third district ng Manila sa pamumuno ni Boy Sy na going beyond their duty ang mga feeding program upang makatulong kahit paano sa mga naghihikahos nating kababayan.

Mabuhay po kayo at sana dumami pa ang mga katulad n’yo.
* * *
Para sa anumang reaksyon o kumento, e-mail sa nixonkua@yahoo.com o mag-text sa 09272654341.

Show comments