Hinihintay ng publiko ang paliwanag ng DENR

MAHIGIT isang linggo na ngayon ang nakararaan matapos lumabas sa mga balita ang reklamo ng Philippine Hospital Association na ilang tiwaling opisyal ng Department of Environment and Natural Resources ang nanghihingi umano ng "lagay" sa mga may-ari ng ospital sa bansa upang huwag silang makasuhan ng paglabag sa environmental laws.

Ayon kay Dr. Tiburcio Macias, pangulo ng PHA at opisyal din ng Mayor Joaquin Macias Memorial Hospital sa Zamboanga del Norte, pupuntahan umano ng mga opisyal ng DENR upang tingnan ang mga waste facilities ng mga ospital at pagkatapos ay sasabihan ang administrasyon ng mga ito na may paglabag sa environmental laws.

 Anya pa, umaabot sa P50,000 ang hinihinging pera ng mga taga-DENR upang huwag tuluyang makansela ang lisensiya ng ospital. Mayroon na umanong mga ganitong insidente sa mga ospital sa South Cotabato, Tarlac, Isabela at Marikina .

Para sa akin, napakaseryosong bagay ito. Talaga bang ganito na kalubha ang problema sa korapsyon at katiwalian sa ilalim ng rehimen ni Gng. Gloria Macapagal Arroyo?

Sadyang dapat umisip ng permanenteng solusyon ang lahat ng nanunungkulan hinggil sa panganib na dala ng mga hospital waste at nalulungkot ako na ang kagyat na solusyon na alam ng ilang nasa posisyon ay palubhain pa ang problema ng bansa sa katiwalian.

Nalaman ko na hinihingi umano ni DENR Sec. Angelo Reyes ang pangalan ng mga pinaghihinalaang opisyal bago siya gumawa ng hakbang. Hindi pa ba sapat na ang nagsalita ay ang pangulo mismo ng PHA? Inisyatiba mo, Secretary Reyes, ang hinihingi ng sitwasyon.

Mahigit isang linggo na ang balitang ito at siguro naman ay may ginawa ng aksyon ang DENR hinggil sa bagay na ito?

Secretary Reyes, hinihingi po ng publiko ang resulta ng ginawa mong hakbang. O baka naman kailangang Senado pa ang gumawa ng paraan upang malinawan ang pangyayaring ito?
* * *
Sa readers, maaari kayong mag email sa: doktora_ng_masa@yahoo.com.pho magpadala ng liham sa aking tanggapan sa Room 209, GSIS Building, Senate of the Philippines, CCP Compound, Pasay City .

Show comments