Hindi lang sa nursing maraming bumabagsak sa board exam. At hindi lang sa nursing marami ang humihinto. Kasi isa lang sa bawat 10 public high school graduates ang handang mag-kolehiyo. Kulang sila sa pagsasanay sa English, Science at Math. Habang tumataas ang baitang, bumababa ang grado dahil lumalala ang kakulangan ng basic education. Kaya pagdating ng board exam, lagpak kung walang leakage.
Suriin ang ilang statistics. Sa Australia na may populasyong 20 milyon, merong 37 unibersidad. Sa Pilipinas na 80 milyon ang populasyon, merong 1,647 higher learning institutions. Iisipin mo na mas matalino ang Pilipino. Pero maunlad ang Australia, advanced ang teknolohiyat agham, walang nagmamakaawang mangibang-bansa; samantala ang Pilipinas ay Third World lang. Kung naging 80 milyon din ang populasyon ng Australia, iisipin mo e di times four din ang dami ng kolehiyo, o 148. Pero malayo pa rin sa 1,647 ng pobreng Pilipinas.
Obvious na kulang sa paghahanda sa mga college students. Sa public high school pa lang ay sablay na sila. Kasi nga rin, pito lang sa bawat 1,000 public elementary graduates ay hindi rin handa mag-high school. Kailangang hasain na ang mga Pilipino habang bata pa.
Sa Canada, ang Alberta province ang pinaka-mahuhusay ang public high schools. Nagbuhos kasi ang local government ng pera para hasain ang teachers at galingan ang curriculum. Naiinggit nga ang mga taga-Ontario at British Columbia. Sa sobrang galing ng mga graduates, may trabaho agad sila kaya nag-iipon muna bago mag-kolehiyo.