Pero nakapagtatakang ngayon lamang nakita ni President Arroyo ang nakalalasong usok. At may pagtataka pa siya sapagkat ang akala niya ay wala na ang usok na ito. Siguro masyadong maraming gawain si Mrs. Arroyo at maski ang kalawakan ay hindi na niya gaanong natatapunan ng tingin. Ganito ang sinabi ni Mrs. Arroyo nang makita ang makapal na usok isang araw na naglalaro siya ng golf, "Diyos ko, akala koy wala nang smog bakit meron pa rin..."
Salamat at nakita mismo ng Presidente ang makapal na usok. Ipinag-utos niya ang agarang paglilinis at pagpapaganda ng bansa. Gusto niya ay maging berde ang kapaligiran. Ayaw na niyang makita ang factory na nagbubuga ng usok. Ayon pa sa Presidente, minsan daw ay nasilip niya habang naglalaro ng golf sa siwang ng bakod ang isang pabrikang nagbubuga nang makapal na usok. Hindi siya makapaniwala.
Sa pagsasalita sa harap ng mga environmentalists sa ginanap na Eco-Labelling Workshop sa Dusit Hotel at dinaluhan ni dating First Lady Amelita Ramos, chairwoman ng Clean and Green Foundation, napag-isip-isip daw niya na kailangang puwersahan na ang pagpapatupad sa enviromental laws. Dapat nang ipatupad ang batas na may kaugnayan sa pangangalaga sa kapaligiran.
Green Philippines at hindi Black Philippines ang pangarap ni Mrs. Arroyo. Kung ganoon, atasan niya ang Department of Environment and Natural Resources, Metro Manila Development Authority, Department of Transportation and Communications na ipatupad ang Clean Air Act. Lagyan ng ngipin ang batas na ito para makamit ang sinasabing Green Philippines. Kung hindi masusugpo ang mga lumalason sa kapaligiran, Black Philippines ang pupuntahan.