^

PSN Opinyon

NAPOCOR ‘mafia’ strikes again

- Al G. Pedroche -
NAMAMAYAGPAG na naman ang NAPOCOR "mafia". Papalugi na nga ang korporasyon lalo pang "ginagahasa" imbes na pagmalasakitan at makatulong na mapababa ang presyo ng elektrisidad. Sa hearing ng Joint Congressional Power Commission (JCPC) sa pangunguna ni Senador Miriam Santiago. nabuking ang pagtatalaga ng Napocor ng siyam na trading agents sa bawat planta nito na siya namang magbebenta sa spot market. Bistado ang price manipulation nang malaman ng Market Surveillance Committee ng Wholesale Electricity Spot Market (WESM) ang biglang pagtaas ng power rate sa loob lamang ng tatlong buwan mula nang magsimula ng operasyon ang electricity spot market noong Hunyo. Sa umpisa pa lamang ng bilihan ay nakapagtatakang P2.72 per kilowatt hour (kwh) lamang ang presyo sa bilihan gayong ang rate na binabayaran ng consumers ay mahigit sa P5 /kwh. Sa kabila niyan, nalugi ang Napocor ng mahigit P1 bilyon sa unang buwan ng bilihan noong Hunyo 26-July 25.

Ipinangalandakan ni Napocor president Cyrill del Callar na kaya niyang bawiin ang nalugi ng Napocor. Iyan ang rason sa "over-to-the-max" na presyo ng kuryente. Sa ganyang mga pangyayari, natatakot tuloy ang mga dayuhang mamumuhunan na kailangan ng bansa para paunlarin ang ekonomiya.. Nasa nagsisimula pa lamang ang WESM ngunit nangyayari na ang ganyang anomalya. Ang anumang price manipulation ay dagok sa kredibilidad nito. Ang sentro ng imbestigasyon ay ang sobrang baba ng halaga ng presyo ng kuryente sa pamilihan (spot market) na unang pumatak sa average na P2.72 per kilowatt hour (kwh) at ang biglaang pagtaas nito ng dalawang beses sa una at sa ikalawang buwan na umabot na sa halagang P4.853 per kwh.

Dapat gisahin nang husto ni Miriam si del Callar. Dapat klarong ipaliwanag kung bakit at paano nagagawa ang mga panloloko sa bentahan ng kuryente. Kailangan ding alamin ni Miriam kung sinu-sino pang miyembro ng mafia ang sangkot at ang apat na trading firms na siyang nagbenta ng kuryente sa merkado.Madaling manipula-hin ang bentahan dahil ang Napocor pa rin ang dominanteng pinagkukunan ng kuryente na ibinebenta sa WESM. Ang pagmamay-ari nila ng 70 hanggang 80 porsiyento ng kabuuan suplay ng kuryente sa bansa ang malamang na umakit sa mafia na manipulahin ang presyo. Kung paano sila kumita ay malalaman natin sa mga trading firms na dapat pigain ng PEMC at JCPC.

Ang kontrol sa suplay ng kuryente ang isa ring dahilan kung bakit hinahadlangan ng mafia ang privatization ng Napocor. Mantakin na lang na sa kabila ng mahigit na apat na taon mula ng ipasa ang Energy and Power Indus- try Reform Act (Epira) ay tatlong porsiyento pa lang ng asset ng Napocor ang naibebenta. Dahil dominant player ang Napocor at halos lahat ng suplay ng kuryente ay galing sa kanila, marahil ay nagkaroon ng ideya ang apat na trading firms ng Napocor na manipulahin ang presyo.

Ang WESM ay binuo alinsunod sa Epira Law ngunit hindi pa dapat itong mag-operate dahil hindi pa nakukumpleto ang mga requirements katulad ng pagsasapribado ng Napocor assets. Ang WESM ay isang sistema para mapanatili ang pagiging competitive ng presyo ng kuryente sa pamilihan. Ang WESM ay gaya ng stock exchange ang operasyon. Ang mga buyers ng elektrisidad ay naghahanap ng pinakamababang presyo sa mga nagbebenta. Ang kaibahan lamang ng WESM sa Philippine Stock Exchange, ang una ay kontrolado ng Napocor.

Kawawa naman ang bayan! Si Juan dela Cruz ay nagiging "Juan Pasan-Krus dahil sa kawalanghiyaan ng mga mapagsamantala. Dapat putulan na ng sungay ang mga ganyang klaseng tao.

Email me at [email protected].

CALLAR

DAPAT

ENERGY AND POWER INDUS

EPIRA LAW

HUNYO

KURYENTE

NAPOCOR

PRESYO

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with