Tinuturing na napakahalagang katungkulan ng gobyerno ang serbisyong pangkalusugan. Makikita ito sa laki ng budget ng Department of Health (DOH). Isa sa 11 ospital nito ang Rizal Medical Center (RMC) na nakatatanggap ng mahigit P200,000,000 kada taon.
Makikita sa "Mission/Vision Statement" ng ospital ang adhikaing maghatid ng de kalidad na serbisyo. Hindi ito nangyari. Ang delivery room, naging "death chamber". Ano pang pag-asa ang natitira sa tao kung ang ospital na dapat magbigay buhay ang siya pang babawi ng buhay ng ating mga anak?
Bumuo si DOH Sec. Francisco Duque ng investigating committee. Seryoso ka ba Mr. Secretary? Ang unang ginawa ni Hospital Chief Winston Go ay ang ipa-decontaminate" ang delivery room. Paano makapag-iimbestiga kung wala nang ebidensiya? At maaring sa labas daw nakuha o sa mga ina nanggaling ang impeksyon? Insulto. Sa ipinanganak na 28 na sanggol, 12 ang nagka-sepsis at 7 rito ang namatay. 42% mortality. Ipilit ba talagang minalas lang ang mga bata?
Ang ganitong trahedya ay hindi kailanman maaring maulit. Hindi ito aksidente. Umaasa ang REPORT CARD na magiging mahigpit ang gagawing pagsusuri kahit limang araw lamang ang taning. At sanay ipatupad agad ang mga regulasyon sa pag-"disinfect" at pag-"sterilize" ng kuwarto at kagamitan sa lahat ng ospital ng DOH.
Mailayo lang kahit isang sanggol sa disgrasya ay nabigyan na natin ng kabuluhan ang sandaling buhay ng pitong munting martir. RIZAL MEDICAL CENTER GRADE: Negative 99.