Ilang araw makaraang manalasa si Milenyo ay naging isyu na ang tungkol sa mga billboards partikular ang nasa kahabaan ng EDSA. Maraming bumagsak na billboards sa EDSA na naging dahilan para magkaroon ng trapik. Bago pa ang pananalasa ni Milenyo, maraming beses nang may bumagsak na billboards sa EDSA at may muntik-muntikanan nang mabagsakang motorista. Hindi pinansin ang pag-angal ni Metro Manila Development Authority (MMDA) chairman Bayani Fernando. Si Fernando ay tutol sa paglalagay ng billboards sa gilid ng highway. Nang minsang baklasin ng MMDA ang mga billboards sa tabi ng MRT, hinuli pa sila ng mga pulis. Bawal daw iyon. Natigil ang pagbabaklas sa giant billboards.
Hanggang sa manalasa si Milenyo at naging malaking isyu ang giant billboards. Umeksena na si President Arroyo at pinagigiba ang mga billboard. Talima agad ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at sinimulan nang wasakin ang mga billboards. Inuna ang mga billboard sa EDSA.
Pero wala sa sistema ang ginagawang pagwa-sak sa mga billboard. Kahit na anong oras na maisipan ng DPWH ay ginagawa nila ang pagbabaklas. At ang mas matindi, ay natitiyempo sa oras na nagkukumahog ang mga motorista at mga empleado sa pagpasok sa kanilang trabaho. Saan naman nakakita na isasagawa ang pagbaklas ng umaga at minsay sa hapon na uwian naman. Pawang rush hours nila itinataon ang pagbaklas! At ang matindi, wala silang ingat sa pagbaklas na hindi iniintindi kung may mabagsakan sa ibaba.
Okey ang ginagawang pagbaklas ng DPWH pero itama sana sa oras. Bakit hindi gawin ang pagbaklas kung madaling araw na walang mapipinsala?