Nung nakaraang linggo pa lang, nanaig na ang tensiyon sa city hall. Ipinakalat ng mga ayudante ni Binay na gobyerno ang nagpapatay sa chief security niya nung Sept. Itoy sa kabila ng police report na ang .45-caliber pistol na pinambaril kay Lito Glean ay yun ding pinampatay kay Popoy Lagman nung 2001; samakatuwid ay communist hitmen ang tumira.
Dahil sa ganung balita, nag-red alert ang mga empleyado sa city hall nung nakaraang linggo pa. Hindi na sila nag-uuniporme para kung biglang may mobilisasyon. Ang pitong elevator ay hindi na tumutungo sa 21st floor na opisina ng Mayor. Ang mga loyalistang residente sa paligid naman ay nagkabit ng pink tags sa damit at pumuwesto sa palapag ng mga konsehal. Hindi raw sila papayag na tanggalin ang Mayor nila tulad ng ginawa kay Mayor Peewee Trinidad sa karatig na Pasay City. At suportado raw sila ng mga kapwa-Oposisyon ni Binay sa Kongreso.
Sa intelligence gatherings ng pulis, magpi-people power daw ang mga loyalista sa paligid ng city hall para hindi ito mapasok ng pulis na magpapatupad ng suspension order ni Interior Sec. Ronaldo Puno. Sa likod nila, at sa 21st floor ng Office of the Mayor ay mga armadong security aides, na handa raw pumatay at mamatay, Meron ding mga loyalista sa bawat floor na haharang sa pulis sakaling mawasak ang barikada sa labas.
Sa tingin ni Binay, iginigiit lang niya ang karapatan bilang hepe ng pambansang Oposisyon. Sa tingin ng awtoridad, sisirain ni Binay lahat, pati ang reputasyon ng Makati financial district, manatili lang sa puwesto.