Huwag mag-utak talangka

MASAMA ang loob ni GM Al Cusi. Kasi inulan na naman ng batikos ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) management. Kung ang pag-uusapan ay ang dilapidated nang NAIA Terminal I, may basehan ang kritisismo. mantakin n’yo namang 40-taon na ang istrukturang ito.

Ang masaklap, pati ang mga pinsalang dulot ng nakaraang bagyong Milenyo sa paliparan ay isinisisi pa rin kay tokayong Al. Pero huwag na lang seryosohin ni Cusi ang mga batikos na iyan kung inaakala niyang ginagawa niya ang kanyang trabaho ng maayos. Go on with what you think is right and let the people judge, di ba?

Sabi ng isang kaibigan ko diyan sa NAIA, anim na empleyado ang nasugatan ng mga lumilipad na debris, habang ang kabuuan ng Metro Manila at mga karatig na pook ay binaha at sinalanta rin. Ang mga billboard ay nagbagsakan habang nangabunot ang maraming puno.

Kaya dapat bigyang kredito ang NAIA at mga tauhan nito na nagtrabaho kahit bagyo. Sa kabila ng perhuwisyo ni Milenyo, oras lang ang binilang at normal na naman ang operasyon ng pandaigdig na paliparan. Lifted agad ang suspension ng mga flights pati sa Manila Domestic Airport pagkaalis ng super-bagyo. Alas-10:15 ng umaga sinuspinde ni MIAA General Manager Al Cusi ang flights pero by 3 p.m. ay tuloy na uli ang operasyon. Kung nahirapan ang gobyerno sa pagsasa-ayos ng mga pinsala ng bagyo sa buong Pilipinas, pati na ang naputol na serbisyo ng kuryente, oras lang ang binilang eh parang walang nangyari sa NAIA.

Katunayan, hanggang ngayon nga ay marami pang lugar sa Luzon ang hindi pa naibabalik ng Napocor at ng Meralco ang serbisyo ng kuryente, habang wala ring tubig sa marami pang baranggay. Eh bakit walang tumutuligsa sa Meralco at sa Manila Water at Maynilad?

Ang pinagtuunan ng batikos ng mga kritiko ni Cusi ay ang pansamantalang pagkawala pansamantala ng air conditioning sa NAIA. Aba’y forced madjure situation nga naman iyan at walang puwedeng sisihin.

Unfair rin para sa NAIA, ani Cusi ang batikos sa planong magpataw ng $3.50 security surcharge sa mga pasaherong daraan sa NAIA. Ginulo pa ng isang dating senador ang isyu dahil pahirap daw ang security fee para sa overseas Filipino workers (OFWs) gayung hindi naman kasali ang mga OFW sa mga sisingilin, hinaing ni tukayo!.

Ani GM Cusi, gagamitin ang malilikom na pondo sa upgrading ng security system ng NAIA, sa pamimili ng makabagong X-ray machines at surveillance cameras. Aniya, "ano naman ang masama doon gayung ang perang galing sa mga pasahero ng eroplano ay pakikinabangan rin naman nila?" Oo nga naman.

Ang totoo’y matagal nang sinisingil sa mara-ming airport sa ibang ban-sa ang security fees at ang iba’y isinasama na sa halaga ng tiket sa ero-plano. Kaya ang advice ni tukayong Al: "Wag mag-utak talangka at hilahing pababa ang mga proyektong maganda sa layuning manira ng tao.

Well said at gaya ng nasabi ko, mas mabuting huwag na lang pansinin ang mga iyan dahil ang mga taong makikinabang sa mga proyekto ng isang namumuno ang maghuhusga kung ang aksyon ay tama o palso, di ba?

Email me at
alpedroche@philstar.net.ph

Show comments