Sa wakas, nakuha na ni Noli ang birth record ng kapatid. Pero may annotation sa likod na nagpalit ng pangalan sa Juvenile Court Ruling. Sabi ng NSO, bumalik siya sa Civil Registrar at humingi ng endorsement. Bakit pa, aniya, e legal naman at sa security paper pa ang dokumento. Imbis na pagaanin ang buhay ni Noli, pinapunta rin siya sa korte para sa isa pang endorsement. At pinagbayad siya muli ng fees para sa lahat ng ito.
Ang naranasan ni Noli ay bureaucratic red tape. Nagpapataw ang mga ahensiya ng gobyerno ng kung anu-anong alituntunin para umano maiwasan ang katiwalian at kapalpakan, pero dun din nauuwi. Ehemplo, kelangang magpa-police clearance bago magbenta ng kotse, para kuno hindi nakaw. Punta ka sa pulis at sa Land Transportation Office. Minsan, napansin ng kaibigan ko, yung binibili niyang kotseng 2003 model ay "W" pa ang unang letra sa plaka, na pang 2001 model. Yun pala, nagkamali ng pag-type ng taon sa LTO computer files. Hindi nga carnap ang kotse, pero parang ganun na rin dahil sa kapalpakan ng taga-type.
Mas malala kung ang red tape ay nauuwi sa katiwalian. Ihalimbawa natin muli ang LTO. Ang dami mong window na lalapitan para lang mag-renew ng rehistro ng sasakyan. Mula stencil at pag-fill up ng papeles, hanggang sa pagbayad at pagkubra ng stickers, aabutin ka nang dalawang oras. Kung empleyado kang papasok pa sa opisina o negosyanteng may miting, hahanap ka na lang ng fixer. Bigyan mo ng P200, siya na ang bahala sa lahat, pati pagparte sa mga taga LTO, sa loob ng 15 minutos. Kumbaga, sinadya ang red tape para mapilitan kang magsuhol.