Kaya habang tahimik itong si Cruz, tiba-tiba naman ang mga financiers ng jueteng na sina Bong Cayabyab, Deo Jimenez at Boy Bata. Aabot pala sa P5 milyon kada araw ang kubransa sa jueteng sa Pangasinan kapag normal na ang operation nito. Ang iba pang financiers ay sina Luding Bongaling ng Calasiao at Sta. Barbara, si Anton Lee sa San Carlos City at si Vertud Tomboy Beltran sa 2nd District. Ang tagamahala ng lingguhang intelihensiya para sa local at national police at government officials ay itong sina Lito Millora, Benjie Torio at Pidong Ocampo, na nagyayabang na pinsan siya ni retired PNP chief at ngayon NIA chief Arturo Lomibao. Totoo kaya na yumabong itong jueteng sa Pangasinan dahil kumakalap ng pondo si Lomibao na may balak tumakbong gobernador sa darating na local elections? Kaya habang tuloy ang operation nina Ocampo, Millora at Torio, kay Lomibao nakatuon ang mga mata ng taga-Pangasinan. Retirado na rin si Chief Supt. Alfredo de Veyra, ang dating hepe ng PRO1 na kumakanlong kina Ocampo, Millora at Torio kayat nagtataka ako kung bakit matapang pa silang isnabin ang kautusan ni Calderon nga, he-he-he! Magkaalam-alaman tayo sa susunod na mga araw mga suki kung sino ba talaga ang bagyo sa gobyerno ni GMA.
Kung sabagay, kaya nanalasa ang jueteng sa Pangasinan dahil nagpunta sa abroad itong si Calderon. Pero sa ngayon, dumating na ang PNP chief sa bansa at wala nang inaatupag kundi alamin kung sinu-sino sa mga PNP provincial commanders ang sumunod sa kautusan niyang lipulin ang jueteng sa kanilang kinasasakupan. Maugong kasi sa Manila Police District (MPD) na may namumuong reshuffle sa hanay ng kapulisan at maaaring gamitin ni Calderonn ang jueteng issue para hindi magreklamo ang mga tatamaan. Kaya sa susunod na mga araw, dapat magiging decisive si Calderon sa kanyang mga decision para patunayang hindi siya lameduck PNP chief. Ipakita mong may bayag ka Gen. Calderon. At ang unahin mong sibakin ay ang hepe ng Pangasinan PNP provincial command.
Abangan!