Batid ni Abaya na sobrang pabor sa BHI ang contract. P50 milyon lang ang concession fee na ibinabayad sa BCDA kada taon, na dati nang kita ng Poro Point miski wala pa ang BHI, pero may tax breaks pa ang huli. Sinita ni Abaya kung bakit hindi pa dine-develop ng BHI, sang-ayon sa kontrata, ang 50 ektaryang industrial park at 30 ektaryang seaport. Sagot agad ng BHI na kasalanan lahat ng BCDA dahil hindi pa itini-turn over ang kabuuang 80 ektarya, kundi 71 ektarya lang. Yun pala, wala pa si Abaya sa BCDA, alam na ng mga opisyales na ang natitirang siyam na ektarya ay titulado pala sa Lepanto Mines. Nang matuklasan ito ni Abaya, saka lang niya ipina-expropriate ang lupa upang mabili na mula sa Lepanto.
Dapat daw, sigaw ni Chavit, palayasin ang abusadong BHI mula sa Poro Point dahil sa breach of contract. Hindi naman ito magawa ni Abaya, dahil korte lang ang may kapangyarihan mag-nullify ng kontrata. Ang masaklap pa nun, ang paggawa ng industrial park ay tungkulin hindi ng BHI mismo kundi ng Poro Point Industrial Corp. Isa itong joint venture ng BCDA (30%) at BHI (70%). Kumbaga, mag-partner sila sa PPIC.
Lumala kelan lang ang gulo dahil sa dalawang kaganapan. Una, ang Poro Point Management Corp., na subsidiary ng BCDA, biglang pinasyang void ang development contract ng PPIC. Ikalawa, ipinasara ng DENR ang PPIC dahil wala pala itong environment compliance certificate. Halatang may mga aninong gumagalaw sa likod ng pangyayari, kaya hindi malutas.