Katwiran naman ni Commission on Filipinos Overseas chair Dante Ang, mabuti nang i-retake ang Test 3 at 5 para sa kapakanan at integridad ng exam at ng nursing profession. Nadungisan lahat ng pumasa, kaya hindi sila makakuha ng trabaho. Pati NCLEX nursing licensure exam sa America, ayaw nang ituloy ang pag-aaral kung magdaraos ng taunang exam sa Manila.
Dagdag ni Earl Sumile, propesor ng nursing sa University of Santo Tomas, labag sa batas ang pagpapasumpa sa 17,821. Ayon kasi sa Nursing Licensure Act, kailangan makakuha ng 75% average sa limang nursing competencies, at walang grade na bababa sa 60% sa anuman sa lima. Pero dahil sa pag-recompute ng Professional Regulatory Commission ng scores binalewala ang 10 sa 100 tanong sa Test 3, at 90 sa 100 tanong sa Test 5 naging 48% ang passing grade sa una at naging bonus ang pangalawa. Hindi totoong kompetenteng nurses ang mga pumasa.
Hindi raw problema ang pag-ulit ng exam, ani Ang. Mainam daw kung ma-pinpoint ng NBI kung anong mga nursing schools at review centers ang nakinabang sa leakage, at kung saan. May listahan naman ng examinees ng bawat school at pook, kaya malilimita ang exam retake. Miski lahat daw ng 46,000 examinees ang pakuhain, P7 milyon lang daw ang magagasta ng gobyerno. At para sa gastusin ng examinees sa pasahe at iba pa, mag-aambag daw ang Philippine Nurses Association of America.