Sakit mula sa trabaho

NAGSIMULA ang trabaho ni Celso sa Philippines Ports Authority (PPA) noong 1977 bilang Clerk II. Naging Senior Terminal Operations Officer naman siya noong 1993. Sa bagong trabaho, kinailangan si Celso na manatili ng maraming oras sa Port of Manila at sa South Harbor upang magsuri, magkuwenta at mamahala sa maayos na pagdaong at paglayag ng mga barko roon. Hindi naging kanais-nais ang lugar ng trabaho para kay Celso lalo na at kailangan niyang humarap sa maraming tao.

Si Celso ay chain smoker mula pa edad 20 kaya hindi nakapagtatakang nasuri siyang may coronary artery disease noong 1984. Bukod dito, nasuri pa siyang may diabetes mellitus noong 1986 kung saan lumala ito hanggang magdulot ng hypertension noong 1988. Noong 1999 naman ay na-ospital si Celso sanhi ng pulmonary tubercolosis II. Naging madalas ang pagkakasakit ni Celso at paglagi niya sa ospital. Samantala noong 2002, nasuri siya sa mga sakit na pneumonia, hypertension, pulmonary tuberculosis, cerebrovascular disease (CVD) at diabetes mellitus.

Kaya, hiniling ni Celso sa GSIS ang kanyang benepisyo batay sa Workmen’s Compensation Law (PD 626). Subalit tumanggi ang GSIS dahil ang mga nabanggit na sakit daw ni Celso ay hindi kabilang sa listahan ng mga occupational diseases. Bukod dito, wala rin daw patunay na ang sanhi ng mga sakit na ito ay nagmula sa mga tungkulin niya sa trabaho. Umapela si Celso sa Employees Compensation Commission (ECC) subalit ito ay nadismis dahil ang hypertension pneumonia at pulmonary tuberculosis ni Celso ay mga komplikasyong sakit lamang ng pangunahing sakit na diabetes mellitus, hindi isang occupational disease. Samantala, ang CVD ay maituturing sanang occupational disease subalit hindi naisumite ni Celso ang mga kinakailangang kondisyon sa ECC.

Sa apela sa Court of Appeals (CA), ideneklara nitong ang mga sakit ni Celso na pneumonia, hypertension, pulmonary tuberculosis ay hindi lamang nagmula sa sakit nitong diabetes mellitus kundi mula rin sa ibang environmental at occupational factors. Tama ba ang CA?

Tama
ang CA na ang pneumonia at pulmonary tuberculosis ay maaaring sanhi ng maruming paligid at sakit mula sa mga taong nakakausap ni Celso. Bukod pa rito ang matinding pagod, mahabang oras ng trabaho, mental at emotional stress ni Celso na nagpalala sa sakit niyang diabetes. Ang sakit niyang pneumonia at pulmonary tuberculosis ay kabilang sa listahan ng occupational diseases kung kaya’t ito ay compensable. Hinihiling lamang ng PD 626 na may probabilidad sa ugnayan ang mga sanhi sa sakit na nakuha ng isang empleyado. Hindi na kinakailangan pa ang isang opinyong medikal. Mas pinapaboran ng PD 626 ang mga empleyado kaysa sa anumang haka-haka dito.

Samantala, nagkamali ang CA na ituring ang hypertension na compensable. Sa katunayan, ito ay isang komplikasyon ng sakit na diabetes mellitus, isang non-occupational disease. Kaya babayaran lamang ng GSIS ang benepisyo ni Celso mula sa pagkakasakit niya ng pneumonia at tuberculosis (GSIS vs. Valenciano, G.R. 168821, April 10, 2006).

Show comments