’Di ka nag-iisa

(Handog kay dating Senador Benigno "Ninoy" Aquino)

‘Di ka nag-iisa…
Sa iyong layuning ang baya’y lumaya
sa kuko ng mga taong dambuhala;
Ikaw ay umuwing may dakilang nasa
at hindi natakot buhay may mawala!

‘Di ka nag-iisa…
Ang sugat ng puso’y masakit sa amin
kaya nang sa tarmac ikaw ay patayin –
Kami ay umiyak at ang luha namin
Umagos sa bansa’t lumunod sa taksil!

‘Di ka nag-iisa…
Sa iyong rebulto’y aming nakikita
na may dalwang kawal na iyong kasama;
Yao’y pangitaing baya’y luluha pa
pagka’t pinapatay kahi’t walang sala!

‘Di ka nag-iisa…
Sa iyong adhikang ang bansa’y hanguin
sa malubhang dusang nasadlakan natin;
Kaya ang damit mo nang ito’y hubarin
naligo sa dugo na dugo rin namin!

‘Di ka nag-iisa…
Sa kabayanihang ginawa sa bansa
kung kaya kay daming sa martsa’y sumama;
Sa mga yapak mo’y may kasamang iba
ang iyong ehemplo ang sinundan nila!

‘Di ka nag-iisa…
Mayama’t mahirap ay iyong minahal
kaya pumanaw kang sa ami’y patnubay;
Kung buhay ka ngayon – ang pag-asa’y buhay
walang teroristang sa ami’y papatay!

‘Di ka nag-iisa…
Ngayo’y hinahanap ang talim ng diwa
na kung naririto kami ay sagana;
Walang magnanakaw -— walang mandaraya
baka pangulo kang idolo ng bansa!

‘Di ka nag-iisa…
Sa iyong libinga’y kasama ang bulong,
ang dasal, ang hibik at mga panaghoy;
Sa pag-iisa mo ang palaging tanong:
may isa pa kayang katulad mo ngayon.

Show comments