Sa pagsasaliksik na isinagawa ng BITAG patungkol sa doktor ng Philippine General Hospital na nakaiwan ng karayom sa loob ng katawan ng kanyang pasyente na si Amalia Enrico, nagbigay ng pahayag ang presidente ng Philippine Medical Association (PMA) na si Dir. Jose Asa Sabili.
Maituturing na medical malpractice ang isinagawang operasyon ni Dra. Analyn Fuentes-Fallarme ng Philippine General Hospital.
Mananagot sa batas ang doktor oras na mapatunayang nagkasala ng Board of Medicine ng Professional Regulation Commission (PRC), ang awtorisadong mag-imbestiga sa mga kasong laban sa doktor.
Bagamat nagkakaroon ng kasong negligence o kapabayaan ang mga doktor sa kanilang mga pasyente, sapat na umano ang batas na mayroon ang bansa hinggil sa kapabayaan ng mga manggagamot sa pampubliko at pribadong ospital.
Hindi na kailangan pang pabigatin o palawakin pa ang batas na ito laban sa mga doktor. Sa halip, mas pagtuunan ng pansin ng gobyerno ang kakulangan sa ating mga ospital sa bansa.
Ayon pa kay Dr. Sabili, bukod sa oportunidad na may roon sa ibang bansa, ang kakulangan ng gobyerno sa ating mga propesyunal sa medisina at ospital ay nagdudulot ng pag-aalisan ng mga doktor.
Base sa ibinigay na impormasyon ng PMA, may 3,000 kada-taon ang kumukuha ng kur-song nursing, 2,357 doktor naman noong 2005 ang kumuha ng nursing board application, at umaabot na sa walong libo (8,000) mula noong taong 2000 hanggang sa kasalukuyan ang mga doktor na umaalis ng bayan upang magtrabaho bilang nurse sa ibang bansa.
Lumalabas na marami sa mga doktor ang nais na lamang maging nurse upang lumabas ng bansa at doon makipagsapalaran kaysa ang manatili sa ating mga pagamutan.
Dahil dito, nababahala ang Philippine Medical Association (PMA) sa paglobo ng mga doktor na nag-aalisan upang magsilbi sa ibang bayan bilang mga nurse.
Nawawalan na ng mahuhusay na doktor sa bansa dahil mas ginusto na lamang ng mga ito na maging nurse sa ibat ibang bansa na nagbibigay ng mas malaking oportunidad sa kanila.
Dagdag pa ng presidente ng PMA, hindi natatapos sa pagiging lisensyado at paggagamot ng pasyente ang propesyong kanilang pinasok.
Napakahalaga na magkaroon ng medical association ang bawat doktor upang gumabay sa kanilang propesyon. Ang medical associa-tion ay nagbibigay ng regular na seminar at training sa mga doktor na kabilang nito upang maiwasan ang kapabayaan o negligence.
Layunin lamang ng kolum na ito na ipakita ang hubot hubad na katotohanan at ang lumalalang problema ng industriya ng health care sa bansa.
Kung hindi mabibigyan ng pansin ng gobyerno ang patuloy na pag-aalisan ng mga mahuhusay nating mga doktor sa bansa, maaaring mapanganib ang mga doktor na maiiwan sa ating mga pagamutan.
Mga doktor na hindi karapat-dapat manggamot dahil sa kawalan ng kaalaman at kalidad sa kanilang paggagamot dahilan upang dumami pa ang mahuhulog sa bitag ng kapabayaan ng mga doktor na ito!