Bagamat ang buhay natin ay nakataya sa anumang kahihinatnan, nandoon pa rin ang ibayong pagsisikap na ito ay pangalagaan, kasabay ang panalangin na sanay walang kapahamakan na dumating.
Sa ganitong perspektibo ng pagganap sa gawain, nakalulungkot ang sinapit ng reporter, cameraman at driver ng ABC 5. Ang buhay nila ay puspos ng pagtatalaga at pagtataya upang maihatid sa kanilang mga tagapanood sa TV ang mga balitang kanilang nakakalap. Hindi biro ang pagdadalamhati na ngayoy dinaranas ng kanilang mga pamilya. At sa kanilang pamilya, akoy taos-pusong nakikiramay sa pagkamatay ng kanilang mga minamahal sa buhay.
Hindi natin hawak ang kahihinatnan ng ating buhay, gawain, tungkulin o gampanin. Tanging magagawa natin ay ipanalangin na ang anumang naiatang sa atin ay magampanan natin nang buong husay, may pagmamahal at paglilingkod sa kapwa.
Sa aking palagay, ganito ang naging pagbibigay-patunay ng buhay ng tatlong taga-ABC 5. Saludo ako sa pagtatalaga at pagtataya ng kanilang mga sarili. Dalangin ko na mamayapa ang kanilang mga kaluluwa at magbigay-inspirasyon ang kanilang kasigasigan sa mga kasama nila sa hanapbuhay ng media reporting.