Sa mga ganyang sundo, karaniwan bubusina minsan ang driver at maghihintay nang isang minuto, tapos alis na lang. Pero naisip ko marami ang mahihirap na taxi lang ang transportasyon, kaya tinyaga ko. Kumatok ako sa pinto. "Sandali lang," anang boses lola. Natagalan pa bago nagbukas ang hukot na matanda, naka-simpleng damit, kaladkad ang malaking bag. Napansin ko na tila matagal hindi natirhan ang cottage niya; nakakumot ang furniture; walang clock sa wall, walang abubot sa sala, walang utensils sa counter. Sa sulok ay may kahong puno ng lumang retrato. "Ako na po," wika ko, at kinuha ang maleta para ilagay sa trunk. Binalikan ko si lola para akayin pasakay ng taxi ko. "Ang bait mo naman," ngiti niya. "Wala pong ano man ito," kako, "trato ko lang sa iba kung paano ko nais itrato ang nanay ko." Ngumiti siya at pinuri ang aking pagka-matulungin.
Pag-upo, inabot sa akin ang address, at humiling na "sa downtown tayo dumaan, ha." Sagot ko agad, "Mahabang ruta po yon." Bulong niya, "Okey lang, hindi naman ako nagmamadali. Papunta kasi ako sa hospicio."
Sinilip ko siya sa rear-view mirror. Tila mugto ang mata. "Wala na akong pamilyang natitira. Sabi ng mga doktor hindi na ako magtatagal." Tahimik kong in-off ang metro at bumulong, "Kayo ang bahala sa ruta!"
Sa sumunod na dalawang oras, umikot kami sa siyudad. Tinuro niya sa akin ang gusali kung saan nag-elevator girl siya minsan. Dumaan kami sa purok kung saan tumira sila ng asawa nang bagong kasal. Pumara kami sa furniture shop na datiy ballroom kung saan siya nagsasayaw nung bata pa. Minsan sinabi lang niyang bagalan ko, habang nakatanaw siya sa madilim na kanto o iskinita.
Tapos, umabot na kami sa hospicio. Inabutan niya ako ng pera, pero sabi ko huwag na. Niyapos niya ako nang mahigpit na pasasalamat. Ako rin, napasalamat sa sarili sa aking pagtitiyaga sa kanya. Naisip kong buti na lang hindi ako nagsungit, bumusina lang minsan, nainip sa kaiintay, at umalis. Naaalala ko pa ang ngiti niya. At ngayon, matanda na rin ako.