EDITORYAL — Marami nang classrooms sa school year 2007-2008

WALA nang magkaklase sa ilalim ng punong kahoy o kaya’y sa comfort room. Hindi na rin kukulangin sa mga libro at iba pang pangangaila-ngan sa school year 2007-2008. Ang dahilan: Malaki ang budget allocation para sa Department of Education (DepEd) ayon sa Department of Budget and Management.

Dinagdagan ng P22-billion ang allocation para sa DepEd kaya magiging P134 billion na ang nakalaan para sa departamento. Ito ayon kay Budget Sec. Rolando Andaya ang pinakamalaking allocation na tatanggapin ng education department sa buong kasaysayan. Nararapat lamang daw na madagdagan ang budget para sa education sapagkat taun-taon ay nadadagdagan ang populasyon ng mga estudyante sa pampublikong paaralan. Tinatayang nasa 18.2 milyong estudyante sa public elementary at high school ang mag-eenrol sa susunod na school year.

Sa malaking allocation ng DepEd, inaasahan na ang ratio ng estudyante at textbook ay 1:1 — isang estudyante sa bawat libro. At para matupad ang ganitong ratio, sinabi ng DBM na dapat ay P2 billion ang ilaan ng DepEd para sa mga libro at iba pang babasahin.

Bukod sa pagbili nang maraming libro, popondohan na rin ang program para mapabuti ang pagtuturo ng English sa mga bata. Nakalaan din ang P1 bilyong pondo para rito na tatawaging "National English Proficiency program". Popondohan din ang programang "Teleserye para kay Ma’am" sa telebisyon kung saan ay ipi-feature "subject mastery classes".

Maganda kung ganoon ang hinaharap ng mga estudyante sa public schools sa 2007-2008. Wala nang kakapusan sa mga classroom at libro. Bubuhos ang biyaya sa kanila at bukod dito magkaka-roon pa ng mga mahuhusay na teacher sa English. Ang kahinaan sa English ng mga estudyante ang nakaalarma sa mga education offcials kaya ibi- nalik ang English bilang medium of instruction. Ganoon man, hindi pa rin mawawala ang Filipino sapagkat gagamitin din naman ito sa pagtuturo, halimbawa’y sa Math.

Bubuhos ang grasya sa DepEd at sana nga’y magkaroon na nang magandang resulta na may kaugnayan sa edukasyon. Wala na nga sanang magklase sa ilalim ng puno at CR at hindi na rin maghihiraman sa iisang libro ang mga estudyante. Sana nga ay magkatotoo ang lahat ng ito.

Show comments