Kalog na kalog ang grupong ito na pinamumunuan ni Atty. Ferdie Topacio, isang matalik na kaibigan. Katotohanan, matagal na akong hindi nakakapag-deliver ng speech kaya medyo kabado ako pero nang makaharap ko sila ay nawala ito. Pero bago ko makalimutan, thank you kay Ariel D. na tumulong sa preparation ng aking speech.
Gusto kong i-share ang aking speech sa RC Grace Park sa lahat at sana kahit paano ay maintindihan ng marami nating kababayan na dapat na tayong gumising sa pagsasawalang kibo at pagsasawalang bahala sa mga nangyayari sa ating bayan. Ginawa ho ito sa English at Tagalog pero sa column na ito ay pipilitin kong Tagalogin lahat.
Ilang linggo na ang nakaraan kung saan nireport ng National Bureau of Investigation (NBI) na magsasampa sila ng demanda laban sa dalawang miyembro ng board ng Professional Regulatory Commission (PRC) dahil sa pagle-leak ng mga test questionnaires sa nakaraang Nursing Licensure Board exams. Dahil sa ginawa nilang yan libu-libong nursing students na kumuha ng naturang exam ay nalagay sa alanganin.
Ang Department of Education (DepEd) naman ay meron ding imbestigasyon sa ilang mga eskuwelahan na nagpalusot ng mga over-age na kabataan sa Palarong Pambansa. Nakalulungkot dahil ang sports pa naman sana ang pangunahing paraan upang turuan ang ating kabataan ng fair play.
Ang Obispo naman ng Batangas justified cheating nang nanalo noong Presidential Election nuong 2004 at sinabing: "So what if she cheated, everyone cheated. And even if she did not cheat, she would have won the election." What a warped, twisted sense of morals coming from a prince of the Catholic Church. No wonder were in such a terrible spiritual and temporal mess as people.
Nahalata rin ba natin kung paano binibigyan ng halaga naming mga taga media nitong mga nakaraang mga panahon ang mga kababayan nating nagpakita ng kanilang katapatan and honesty sa pamamagitan ng pagsosoli ng mga gamit na napupulot nila.
Naalala nyo siguro ang batang babaing nagsoli ng napulot na malaking pera na nakalagay sa bag na nahulog ng isang messenger ng isang malaking kompanya. Marami pa hong ibang mga ganung kuwento at nakakatuwa ito dahil mga kabataan ang may gawa nito na nangangahulugan na may pag-asa pa at kinabukasan ang ating bayan.
Pero katapat ng kasayahang ito ay kalungkutan, bakit kanyo? Hindi ba kontra? Simple lang ho, ang isa ho sa definition ng news ay isang bagay o pangyayari kakaiba. Kung pangkaraniwang nangyayari na hindi ho ito balita.
So ibig bang sabihin ngayon ng pagsosoli ng gamit na napupulot, isang honest na gawain, ay kakaiba at unusual.
Pero ano nga ba ang nangyari sa atin at nakikilala tayo bilang bansa ng mandaraya, magnanakaw at sinungaling? Sino ang may kasalanan sa ganoon kalungkot na pangyayari sa ating bayan? TAYO ANG MAY KASALANAN!
Our nation has lost its moral moorings dahil nagsawalang kibo tayo sa corruption. From a proud nation and people, we have become a pathetic race that allows our corrupt leaders to trample upon our rights, to steal from our nations coffers with impunity. Marahil tinatanong niyo, bakit natin nasabi yan, sagot diyan ay isa ring katanungan. Ano ang kadalasang kasagutan ng mga Pinoy (kasama na ang dalawang mga nag-e-mail na kababayan nating nasa Saudi) tungkol sa mga pagnanakaw at pandaraya ng mga opisyal ng gobyerno?
Ito ang sagot nang marami: "Lahat naman yan nagnanakaw, wala na tayong magagawa diyan."
Binaboy natin ang election dahil pinagbibili natin ang ating boto sa pinakamataas magbayad, pinapayagan natin ang mga mandaraya na mamuno hindi lang sa mga local na posisyon kung hindi sa national at sa Malacañang pa.
At uulitin ko ang tanong, ano ang reaksyon ng Pinoy sa dayaan, nakawan at kasinungalingan? Ang kasagutan ay sagot ng Obispo ng Lipa: "Lahat naman yan mandaraya. Wala na tayong magagawa diyan."
Naging manhid na ho tayo sa corruption. Hindi na tayo nagugulat sa pagnanakaw at pandarambong. Wala tayong ginagawa laban sa walang habas na pangungurakot. At tawag natin sa sarili natin tanging bansang Kristiyano sa Asia.
(Abangan ang karugtong sa Martes)