Una, ang nakaraang SONA ay tunay na kakaiba dahil gaya nga ng sinabi ng mga alipores niya ay gagamit sila ng high tech na paraan upang iprisinta ito. For once, nagsabi sila ng totoo pero hanggang diyan lamang sa tinatawag na power point presentation.
Ang natitirang mga katotohanan lamang sa naturang SONA ay ang husay ng ating mga kababayang mga Pinoy kasama na ang mga pinarangalan sa buong mundo at ang kagandahan ng ating bansa. No doubt naman sa mga bagay na ito kaya nga nakakapanghinayang dahil patuloy itong ginagamit sa baluktot ng ating mga opisyal.
Pagdating naman sa mga figure na pinagsasabi niya, lalo na yung bumaba ang bilang ng kahirapan. Obvious na high tech na naman ito at kung saang tumbong lang nila hinugot ang mga numerong ito. Maaari lang itong maging katotohanan kung titingnan ito sa bilang ng mga opisyal, kaalyado, kakampi, kapartido, kasabwat, katsokaran, kapamilya nila dahil talagang umuunlad ang buhay nila.
Katotohanan, kung sila ang pagbabasehan, aba, mayaman na lahat ng Pinoy. Tingnan nyo na lamang ang mga kasuutan nila at mga sasakyang ginamit upang pakinggan lamang na banggitin ni Madam Senyora Donya Gloria ang kani-kanilang pangalan at palakpakan ang bawat sentence nila.
Pangalawa, geography lessons ito kaso nga lang, baka sa tindi ng nais ni Madam Senyora Donya Gloria ay lumubog ang Pilipinas at magbanggaan ang mga bapor at eroplano dahil kada bayan at probinsiya ay nais lagyan ng paliparan at daungan.
Ultimo paanan ng laging nag-aalburotong Mayon Volcano ay nais lagyan ng paliparan. Aba, bakit hindi pa tayo maglagay ng pier sa likod ng Malacañang at gawing airport ang Mendiola para wala nang puwedeng mag-rally. Noted speech ito para sa mga kakamping kongresista, gobernador at mayor na patuloy na sumisipsip sa kanya.
Pangatlo, malaking pambobola ang naturang speech upang tiyaking mananatili niyang hawak ang mga kongresista, gobernador at alkalde sa 2007 elections. Pinaaalalahan niya ang mga opisyal na kailangang patuloy silang sipsip kung nais nila ng proyekto na kanilang pagkakakitaan upang ipambili ng boto gamit ang mga "Hello Garci" officials sa Comelec na kumakain din sa palad ng Malacañang.
Sinabi rin ni Madam Senyora Donya Gloria na patuloy ang pagtugis nila sa mga corrupt na official pero nakakabinging katahimikan ang ginagawa nila tungkol kay dating Agriculture Undersecretary Jocjoc Bolante, Jose Pidal, jueteng, Diosdado Macapagal Highway, Bailey bridges at lalung-lalo na sa mga taga Comelec sa pamumuno ni Chairman Benjamin Abalos ukol sa MegaPacific deal.
Pinapurihan niya rin nang husto ang mga "Hello Garci" generals kasama na ang bagong AFP chief of Staff na si Gen. Hermogenes Esperon at binanatan ang mga nagtangkang pumalag sa kanya na sinasabi niyang sinusuka ng sambayanan. Diyan siya mali, kahit anong gawin nilang pagparusa sa mga idealistic soldiers gaya nina Gen. Danilo Lim, retired Gen. Francisco Gudani, Navy Lt. Sg. Antonio Trillanes, Marine Col. Ariel Querubin, Col. Alex Balutan, Capt. Ruben Guinolbay at iba pang mga junior officers ay sila ang respetado at mahal ng sambayanan. Nasa kanila ang tiwala ng masa na kasalukuyan lang walang magawa dahil lahat nga ng kritiko ay pinagpapatay nila. Nahihibang na sila kung hindi nila alam kung sino ang tunay na sinusuka.
Pangkalahatan, ang SONA ay parang bubble na sasabog dahil walang laman maliban sa mga pambobola. Ultimo ang finance at budget secretary niya ay hirap na hirap sagutin ang tanong kung saan kukunin ang trilyong pisong kakailanganin upang maipatupad ang pinagsasabing proyekto ni Madam Senyora Donya Gloria.
Uubra lang ito kung ibabalik ang mga nakaw na yaman na naka deposito sa Coots Bank sa Hong Kong at iba pang mga banko sa Singapore at Switzerland. Siyanga pala, galing roon ang isang mataas at malaking lalaking mahilig din magdala ng MAHIWAGANG BAG sa Hong Kong kasama si ES. Double purpose ang lakad nila at pagtitipid na masasabi dahil nag-honeymoon na sila nagdeposit pa. O hindi ba enjoy?
Komo impossible na ibalik ang mga nakaw na yaman, as usual ipangungutang nila muli at siyempre taga-bayad ho tayo at ang magiging anak at apo natin.
Sa ganung paraan tuloy ang mga mega billion projects na galing sa kaban ng bayan kaya as usual pagnanakawan muli sa pamamagitan ng mga commission. Remember ang pinakamahal na kalye sa buong mundo Diosdado Macapagal Highway, bailey bridges, fertilizer scam, road users tax at iba pang "proyekto" ng kasalukuyang administrasyon.
Pero ang pinakamatindi, ito ay MOST PROMISING SONA na nagbibigay ng false hopes. Pag-asang kanilang nanakawin. Pati kakarampot na pag-asa o panaginip natin ay nanakawin. Ninakawan na, nanakawan pa at ultimo ang KINABUKASAN NANAKAWIN PA!