Noong March 1990, nag-isyu si Caridad ng SBC check no. 0293984 sa halagang P330 pambayad ng mga binili niya sa isang department store. Subalit nang i-deposito na ang nasabing tseke sa account ng department store, tumalbog ito sa dahilang "Account Closed" kahit na ang checking account ni Caridad ay aktibo at may pondong P1,275.00.
Kaya, nagpadala ang department store ng demand letter kay Caridad kung saan hinihiling nito na sa loob ng limang araw ay dapat na bayaran ni Caridad ang halaga at kung hindi ay ihahabla siya para sa kasong kriminal. Binayaran kaagad ni Caridad ang halagang P330 at ang patong na singil na P33 para sa tumalbog na tseke. Pagkatapos nito, naghain si Caridad ng reklamo laban sa SBC para bayaran nito ang pinsalang kanyang natamo. Ayon kay Caridad, sa kabila ng aktibo at may pondo niyang checking account, walang ingat pa ring pinagtibay ng SBC na ito ay sarado na at walang pondo. Dahil dito, nasira raw ang kanyang pangalan at magandang reputasyon sa publiko, nagdulot ng kahihiyan sa kanya at sa kanyang pamilya, pagkabahala, di-pagkatulog sa gabi, sakit ng kalooban, kahihiyan at usapan ng kanyang mga kaibigan, kasamahan sa trabaho pati na sa kaklase ng kanyang anak dahil sa tumalbog niyang tseke. Kaya, ayon kay Caridad, nararapat lamang na mabayaran siya ng moral at exemplary damages at attorneys fees.
Bilang depensa ng SBC, wala raw masamang layunin at sadyang nagkamali lamang ang kanilang klerk nang ituring nito na sarado na ang checking account ni Caridad dahil nawawala ang ledger. Nararapat ba si Caridad sa bayad-pinsalang kanyang hinihingi?
OO, nararapat na magbayad ang SBC dahil nagdulot ito kay Caridad ng pagkabahala, sakit ng kalooban, pagkasira ng reputasyon at kahihiyan sa kanyang trabaho, pamilya at simbahan.
Ikalawa, tunay na nagkamali ang SBC sa hindi pagtanggap ng inisyung tseke ni Caridad kahit na aktibo at may sapat itong pondo. Ikatlo, ang hindi pagtanggap ng SBC sa tseke ang sanhi ng lahat na pinsalang natamo ni Caridad. Ikaapat, ang pagtibaying sarado na ang checking account ni Caridad dahil lamang sa nawawalang led-ger ay maituturing na malaking pagpapabaya lalo na ang industriya ng banko ay may pampublikong interes na nangangailangan ng lubos na pag-iingat, integridad at metikulosong pagganap sa tungkulin nito sa mga kliyente.
Ayon sa Article 21 at Article 2219 ng Civil Code, ang malaking kapabayaan ng SBC ang dahilan ng pinsalang natamo ni Caridad kaya iginawad kay Caridad ang P20,000 moral damages, P20,000 exemplary damages at P20,000 attorneys fees (Solidbank Corporation vs. Arrieta G.R. No. 152720, February 17, 2005. 451 SCRA 711)