Noong Linggo, isa na namang laboratoryo ng shabu ang nadiskubre sa Parañaque at nakakumpiska ang mga awtoridad ng 100 botelya ng pyridine, 96 botelya ng thionyl chloride, apat na botelya ng methanol at apat na botelya ng chloroform. Ang mga ito ay mahahalagang sangkap sa paggawa ng shabu. Nakabaon ang mga sangkap sa isang hukay na may sukat na three-by-three meter. Limang Taiwanese nationals ang naaresto. Hindi mapagsususpetsahang shabu laboratory ang warehouse na iyon sa Mayuga Compound, Pilderas St., Bgy. Tambo na pag-aari ni Milagros Mayuga sapagkat prawn business ang ginagawang front. Sugpo at hindi shabu para mailigaw ang mga awtoridad.
Ika-13 shabu laboaratory na ang nadiskubre sa Parañaque at nakapagtatakang ang mga operatiba pa ng Criminal Investigation and Detection Group na nakabase sa Region 3 ang nagsagawa ng pagsalakay. Mas nauna pang nakaamoy ang mga CIDG sa Region 3 kaysa sa mga kapulisan at barangay officials sa Parañaque. Naamoy ng CIDG na may dadalhin daw mga kemikals sa Pampanga kaya agad nilang tinunton kung saan manggagaling. Nang makumpirmang sa Parañaque agad silang kumuha ng search warrant.
Naniniwala kaming marami pang shabu labs hindi lamang sa Parañaque kundi sa iba pang lugar sa Metro Manila at pawang mga dayuhan ang nag-ooperate. Kung magkakaroon lamang ng lubusang pagmamanman ang mga barangay official at mamomonitor ang mga taong papasok sa kanilang nasasakupan, mapipigilan ang paglipana ng mga shabu labs. Mahalaga rin naman ang tulong ng mamamayan sa problemang ito. Kung may napapansing kahina-hinalang mga tao particular kung dayuhan sa lugar, ipagbigay-alam agad ito sa pulisya. Pagtutulungan ng pulis, barangay at mamamayan ang susi para madurog ang problema sa illegal na droga.