Isa sa pinakamabisang pamamahinga ay ang pananalangin sa anyong meditasyon - hindi ang pag-usal o pagbigkas ng mga panalangin, kundi sa pagtuon lamang ng isip sa presensiya ng Panginoon. Maaaring bumilang ng isa hanggang 10, habang nakaupo, o nakahiga, kasabay ang malalim na paghinga at pagtuon ng pansin sa daloy ng hangin na pumapasok at lumalabas sa inyong baga nang dahan-dahan, habang nakapikit ang mga mata Pagkatapos gawin ito ng ilang sandali, unti-unting ituon ang pansin sa Panginoon. Hayaan Siyang mangusap sa inyo sa katahimikan ng inyong sarili.
Ang Ebanghelyo sa araw na ito ay tungkol sa ating pamamahinga sa Panginoon. At maaari ninyo itong ulit-uliting basahin, upang masumpungan ang kinakailangang pamamahinga sa kabila ng mga suliranin (Mt. 11:25-29).
Nang panahong iyoy sinabi ni Jesus, "Pinasasalamatan kita, Ama, Panginoon ng langit at lupa, sapagkat inilihim mo ang mga bagay na ito sa marurunong at matatalino at inihayag sa mga may kaloobang tulad ng sa bata. Oo, Ama, sapagkat gayon ang ikinalulugod mo.
"Ibinigay sa akin ng aking Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakikilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakikilala sa Ama kundi ang Anak at yaong marapating pagpahayagan ng Anak.
"Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na napapagal at nabibigatan sa inyong pasanin, at kayoy pagpapahingahin ko. Pasanin ninyo ang aking pamatok, at mag-aral kayo sa akin; akoy maamo at mababang-loob, at makasusumpong kayo ng kapahingahan para sa inyong kaluluwa."