Gayunpaman, nakakuha pa rin si Lulu ng order of release mula sa Branch 32 ng Marikina Regional Trial Court. Iginawad ng kinatawang hukom ng nasabing Korte ang pansamantalang kalayaan ni Lulu at inaprubahan din ang kaukulang piyansa kahit na walang naisagawang pormal na aplikasyon o petisyon mula kay Lulu o abiso sa piskal. Sa katunayan, ang Executive Judge ng Marikina RTC at ang Presiding Judge ng Branch 32 ay maaaring puntahan sa mga oras na yun.
Nang malaman ni Gina ang ginawa ng hukom, naghain siya ng reklamong gross ignorance of the law and grave abuse of authority laban dito. Iginiit ni Gina na walang kapangyarihan ang hukom na igawad ang piyansa ni Lulu hanggat hindi pa natatapos ang preliminary investigation. At dahil hindi pa naisasampa ang information sa Korte, walang kapangyarihan ang hukom na igawad ang piyansa dahil wala pa itong hurisdiksyon sa taong akusado. Tama ba si Gina?
TAMA. Ayon sa batas, ang taong inaresto, ipiniit at bago pa man pormal na maakusahan sa Korte ay maaring maghain ng aplikasyon ng piyansa. Hindi na niya kailangan pang hintaying maisampa ang pormal na reklamo laban sa kanya dahil ang piyansa ay maigagawad sa mga krimen na maaaring mapiyansahan. Ayon din sa Section 7, Rule 112 of the Rules of Criminal Procedure, maaaring igawad ng hukom ang piyansa sa taong legal na inaresto nang walang warrant kapag pumirma ito ng waiver sa ilalim ng Article 125 of the Revised Penal Code katulad ng nangyari kay Lulu. Hindi maitatanggi na si Lulu ay may karapatang magpiyansa dahil ang krimeng naiparatang sa kanya ay hindi nagpaparusa ng habambuhay na pagkakabilanggo, reclusion perpetua o kamatayan
Gayunpaman, ang aplikasyon sa piyansa ay dapat na inihain ni Lulu sa korte ng Quezon City kung saan siya nakapiit at hindi sa Marikina City. Sa katunayan, walang aplikasyong inihain si Lulu at wala ring isinagawang pagdinig dito o nabigyan ng abiso ang piskal. Kaya, napatunayang ang kinatawang hukom ay nagkasala ng ignorance of the law (Ruiz vs. Beldia, Jr. A.M. RTJ-02-1731 February 16, 2005. 451 SCRA 402).