Pagbuwag sa Marines

Batid ng marami na ang mga Marines
Sanay nang lumaban sa kaaway natin;
Sa kapayapaa’y tanod na magiting
Laging nakahandang magtanggol sa atin!

Hindi ba’t ang Marines laon nang kabilang
Sa kawal ng bayan na iginagalang?
May mga bayaning sa kanila’y nilang
Bakit naman ngayo’y bale-wala na lang!

Sayang ang panahon na ating nakita
Na ang mga Marines sanay makibaka;
At kung sila’y ating wawalang-halaga
Mga miyembro nila’y saan mapupunta?

Mabuti nga sana kung nasabing unit
Sa Philippine Army di sila maalis;
Mga kawal silang sa bansa’y umibig
Kaya hanggang ngayo’y di tayo malupig!

Marami nang sakit — mga sakripisyo
Tiniis ng Marines dito sa bayan ko;
Sa training, sa laban bihasa na ito
Bakit naman ngayo’y aayaw na tayo?

Pagbuwag sa Marines baka panakot lang —
Kaya kami’y inyong kasama’t katuwang
Kayo ay bayaning nagtanggol sa bayan
Di dapat mawala kayo’y karangalan!

Sa mga opisyal at mga sundalo
Nitong mga Marines — mahal namin kayo
Kung kaya asahang pagbuwag sa inyo
Ilalapit namin sa ating Pangulo!

At kung ang Pangulo’y katig sa pagbuwag
Sa Poong Maykapal kami ay tatawag;
At marahil naman — dasal na matapat
Ay dinig ng Diyos na nasa itaas!

Show comments