Sinabi ng USAID na napapanahon na para mag-invest ang Pilipinas para sa wastewater treatment system. Sa kanilang pagsusuri, lumalabas na 90 porsiyento ng sewage sa Pilipinas ay hindi treated. Ito ang dahilan kaya maraming sakit na nakukuha dahil sa pag-inom ng tubig. Binanggit ng USAID na tanging ang Muntinlupa City ang may wastewater facility at ito ang dapat daw tularan ng iba pang siyudad o bayan. Successful model ang Muntinlupa City na kinaroroonan ng low-cost wastewater treatment facility.
Ganoon man sinabi ng USAID naka-schedule na rin naman ang pagtatayo ng wastewater treatment sa Calbayog City, Dumaguete, Iloilo, Malaybalay, Naga at San Fernando, La Union. Ito ay kanilang aasistehan para magkaroon nang malinis na tubig sa mga nabanggit na lugar at nang maiwasan ang mga sakit.
Ilang taon na ang nakararaan, may mga residente sa isang lugar sa Tondo ang dumanas ng pagsusuka at pagtatae. Ilang linggong nagkaroon ng epidemya sa lugar na iyon at ang dahilan ay ang nainom nilang tubig. Nakontamina ang tubig na dumadaloy sa tubo. Pinasukan ng mga bakterya na galing sa poso negro at iyon ang nagdulot ng sakit. Dahil kalawangin na ang mga tubo sa ilalim, madaling pumasok ang mga dumi.
Makatotohanan ang sinabi ng USAID na dapat mag-invest ang local government sa water treatment system upang mapangalagaan ang kalusugan ng mamamayan. Medyo malaking gastos nga lang ang kakailanganin pero maililigtas naman ang mamamayan sa pagkakasakit at sa tiyak na kamatayan.
Nakapangangamba na 12 Pinoy ang namamatay araw-araw dahil sa pag-inom nang maruming tubig. Maaari naman itong maiwasan kung magkakaroon lamang nang mahusay na plano ang namumuno sa bayan. Masosolusyunan hindi lamang ang maruming tubig kundi pati na rin ang maruming hangin.