Sa baranggay A. Rivera sa Hermosa, naganap ang isang karumal-dumal na panggagahasa ng grupo ng kalalakihan o "gang rape" sa isang dise-sais anyos na dalagita na itago na lamang natin sa pangalang "Baby".
Ang mga suspek dito, maimpluwensiyang magkakapamilya, at isa dito ay anak ng barangay chairman na si Bok Santos na malapit sa mayor ng Hermosa na si Mayor Efren Cruz.
Ang mga magulang ng mga suspek ay nagsasabwatan at nagkukutsabahan mapagtakpan lang ang maitim na lihim na pilit nilang itinatago.
Binaboy na nga ang pobreng dalagita na si "Baby", binababoy pa ngayon ng mga magulang ng suspek ang katauhan ng biktima, sa halip siya pa ang sinisisi sa mapait niyang sinapit at pinapalabas na siya ay isang pariwarang babae.
Nakakulong na sana ngayon ng walang piyansa ang mga manyakis na suspek, kung ginawa lamang ng mga nag-imbestigang pulis ng Hermosa ang tamang proseso sa paghawak sa ganitong sensitibong kaso sa pangunguna ng palpak na pulis ng Hermosa na si SPO4 Nicanor Leyba.
Wala pang beinte-kuwatro oras matapos ang ginawang panghahalay, nahuli ang mga suspek, pero agad naman itong pinakawalan ni SPO4 Leyba nang malaman nito na isa rito sa mga suspek ay anak ni chairman Santos.
Sa halip, sinabi pa raw ni SPO4 Leyba sa ina ng biktima na ipakasal na lamang si "Baby" sa suspek na anak ng Chairman.
Nang makaharap namin itong si SPO4 Leyba sa isinagawang summary hearing sa pangunguna ng Bataan Police Provincial Of-fice at National Police Commission o NAPOLCOM, basura ang kanyang naging pahayag dahil sa wala siyang naipakitang blotter na nahuli niya ang mga suspek.
Layunin ng BITAG na maparusahan ang mga nagkasala at inumpisahan na namin ito sa palpak na parak na si SPO4 Leyba, susunod na ang mga nagsasabwatang pamilya ng mga suspek. Abangan!