Ang nakapagtataka lamang ay kung bakit si Borra lamang ang nakita ng Ombudsman gayong ang mga kasamahan niyang commissioners kabilang si Comelec chairman Benjamin Abalos ay kabilang din sa mga nag-apruba. Bakit si Borra lamang ang nadiin nang husto gayong anim na tao pa ang kasangkot?
Marami ang umasa na ang 2004 Presidential elections ay magiging mabilis na dahil nga sa modernisasyon na isinulong ng Comelec. Hindi na manu-mano ang bilangan at mababawasan na ang dayaan. Pero hindi ito nangyari sapagkat palpak nga ang nakuhang MegaPacific. Nang testingin ay maraming mali ang lumabas na data. Isipin na lamang kung gaano kamahal ang mga counting machines na ito at pagkatapos ay hindi pala mapapakinabangan. Pera ng taumbayan ang ipinambayad sa MegaPacific at nawalan lamang ng saysay.
Lahat ng mga nag-apruba sa maanomalyang kontrata ang dapat managot. Hindi lamang isang tao ang dapat kasuhan o maimpeached. Kung sama-sama silang nag-apruba sa kontrata ng MegaPacific, sama-sama rin silang kasuhan.
Masyado nang nabahiran ng putik ang Comelec at panahon na para magkaroon ng pagbabago. Hindi lamang tungkol sa kontrobersiya sa computerization kundi pati na rin sa pagkakasangkot ni Commissioner Virgilio Garcillano na pinaniniwalaang nakausap ni President Arroyo noong panahon ng 2004 election.
Kung hindi magkakaroon ng pagbabago sa Comelec, ano na ang mangyayari sa susunod pang mga elections sa bansang ito.