^

PSN Opinyon

‘Sino ang matapang?...’

CALVENTO FILES - Tony Calvento -
HINDI AKALAIN ng biktima na sa kanyang tangkang pag-awat sa naghuhuramentadong suspek ay magdudulot ng kapahamakan sa kanya.

Naghamon ang suspek kung sino ang matapang at kung sino ang lalaban na naging dahilan ng pagsaksak nito sa biktima.

Inilapit ni Amy Algura ng Antipolo City, sa aming tanggapan ang kanilang sinapit sa suspek na umano’y nanaksak sa kanila nito.

Bago maganap ang insidente, nakasagutan ng suspek na si Castor Corocoto ang tiyuhin nina Amy, si Julio. Nagkainisan umano sina Julio at Castor tungkol sa pagtaya ng mga ito sa sabong. Natalo sa pustahan ang suspek. Hindi umano nito matanggap ang kanyang pagkatalo. Dito umano nagsimula ang pagkayamot ng suspek kay Julio.

Ika-22 ng Hunyo 2006, naka-istambay noon si Julio nang bigla na lamang dumating ang suspek na si Castor. Lasing na lasing umano ito. Binati pa umano ni Julio si Castor subalit imbes na tumugon sa pangangamusta ay bigla umanong bumunot ito ng patalim.

"Binati pa nga siya ng tiyuhin ko ng ‘Kamusta?’ pero ang tinugon niya ay panunutok ng patalim. Nagulat na lamang ang tiyuhin ko sa inasta ng suspek. Mabuti na lamang madaming tao ang naroroon at naawat ito kundi masasaksak niya ang tiyuhin ko," kuwento ni Amy.

Ayon kay Amy, madalas nasasangkot si Castor sa mga kaguluhan sa kanilang lugar. Mahilig umanong mang-asar subalit pikon kapag hindi nagustuhan ang biro sa kanya. Madalas din umanong nakikitang kasa-kasama ng pulis na nakilala lamang sa apelyidong Torres.

"Ang balita din sa aming lugar ay may mga kaso na rin itong si Castor kaya siguro balewala lang ang gulo. Mahilig itong uminom ng alak at kapag lasing na gulo na ang hanap nito," sabi ni Amy.

Ika-24 ng Hunyo 2006 bandang alas-2 ng hapon sa Unit 7, Sitio Sto. Niño, Brgy. Mayamot, Antipolo City naganap ang insidente. Kasalukuyan umanong nasa labas ng bahay sina Lando, kapatid ni Amy at ang kaibigan nitong si Dodoy. Nagkukuwentuhan umano ang dalawang ito nang bigla na lamang dumating ang suspek na si Castor.

Lasing na lasing umano ang suspek at bigla na lamang binatukan si Dodoy habang si Lando naman ay tinadyakan nito sa hindi malaman na dahilan.

"Hindi naman alam ng kapatid ko at ni Dodoy na may dalang patalim noon si Castor. Sinabihan daw nito si Dodoy na huwag siyang makikialam. Noong tinadyakan niya ang kapatid ko ay tumakbo na ito pero ang ginawa naman ni Castor ay hinabol pa niya," salaysay ni Amy.

Inawat naman umano ni Dodoy ang nagwawalang suspek subalit hindi naman ito maawat. Samantala nasa loob naman noon ng bahay si Amy habang ang kapatid naman nito na si Lito ay natutulog ng mga oras na ‘yon.

Narinig umano ni Amy ang kaguluhan sa labas kaya lumabas ito ng bahay upang tingnan ang nangyayari.

"Nakita ko na lamang na nasa loob ng aming bakuran si Castor. Hawak-hawak na nito ang kanyang patalim at pilit na naghahamon ng away. Sumisigaw ito na ‘Sino’ng matapang? Lalaban ba kayo dyan?’ Nagwawala na ito pero hindi na ito pinansin dahil sa armado ito ng patalim," kuwento ni Amy.

Dahil sa kaguluhan nagising mula sa pagkakatulog si Lito. Lumabas ito ng bahay at nakita nitong nagwawala ang suspek. Sinubukan umano ni Lito na kausapin at awatin ang suspek subalit inundayan na nito ng saksak.

Dalawang beses sinaksak ng suspek si Lito. Isa sa bandang dibdib nito at ang isa naman ay sa braso.

"Bumulugta na lang sa lupa ang kapatid ko dahil sa tama ng saksak nito. Pagkatapos niyang saksakin ang kapatid ko ay ang tatay ko namang si Clemente ang binalingan niya. Nang makita ko ang tangka niyang pagsasaksak sa tatay ko ay naglakas-loob na akong lumapit upang awatin si Castor," pahayag ni Amy.

Nagawa umanong itulak ni Amy si Castor nang akmang sasaksakin nito ang kanyang ama. Sa pagtumba ng suspek ay nasaksak din si Amy ng patalim na dala nito sa kanyang braso.

Sa pangyayaring kaguluhan sa bakuran ng mga Algura, nakatawag ito ng pansin sa ilang kaanak ng mga biktima. Tumulong ang iba pang kapitbahay para maawat si Castor.

"Nabugbog naman ang suspek noong mga oras na umawat ang ilan sa mga residente sa aming lugar. Dahil sa tinamo naming tama ng aking kapatid ay dinala kami sa Amang Rodriguez Medical Center," sabi ni Amy.

Subalit habang ginagamot naman ang suspek ay binawian na rin ito ng buhay dahil sa tinamo nitong saksak sa dibdib. Samantala agad din namang ipinaalam ng pamilya ng mga biktima ang nangyaring krimen. Ipinagbigay alam ito sa himpilan ng pulisya at agad namang rumesponde ang mga pulis.

"Nai-blotter ang nangyari at pinuntahan naman ng mga pulis ang suspek subalit wala na ito sa lugar na pinangyarihan. Nagpagamot pala ito sa Antipolo District Hospital. Doon na siya hinuli ng mga pulis," sabi ni Amy.

Noon din ay nagsampa ang pamilya Algura ng kaso laban sa suspek. Nahuli umano ito at nakulong subalit nangangamba silang kapag nakapagpiyansa ito ay muli silang balikan.

"Homicide at Frustrated Homicide lang ang isinampa laban sa suspek. Ang ikinatatakot namin ay baka kapag nakapagpiyansa ito ay magkaroon muli siya ng pagkakataong umatake sa bahay namin at tuluyan kaming patayin. Napatay na niya ang kapatid ko baka sa susunod ay lahat na kami ay patayin niya," pahayag ni Amy.

Umaasa ang pamilya Algura na pagbayaran ng suspek ang ginawa nito. Dalangin din nilang makulong na ito ng habambuhay upang hindi na makapanakit hindi lamang sa kanilang pamilya kundi sa ibang tao pang maaari umano nitong gawan ng hindi maganda.

Para sa lahat ng biktima ng karahasan, krimen at mga legal problems, maaari kayong tumawag sa 6387285 o di kaya’y sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166 o 09198972854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
* * *
E-mail address: [email protected]

AMY

CASTOR

DODOY

NAMAN

NITO

SUSPEK

UMANO

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with