Nasa Europe tour si Mrs. Arroyo at isa sa mga bansang pinuntahan niya ang Spain. Nangako ang Spain na tatanggap ng mga overseas Filipino workers (OFWs) pero ang hindi nila maipangako ay ang investments sa Pilipinas. Unang dahilan kung bakit hindi sila makapangako ng negosyo sa bansa ay dahil sa malubhang corruption.
Sabi ni Oscar Via Ozalla, director ng trade and investment ng Ministry of Industry, bukod sa problema ng red tape, mabagal din ang bansa sa pag-aapruba ng budget para sa 2006. Pinuna ni Ozalla na anim na buwan nang atrasado ang pagpapasa ng budget. Pinuna rin ng Spanish official ang mga legal obstacles na hinaharap ng mga investors sa business contracts sa bansa. Napakarami raw problema rito na hindi katulad ng sa ibang bansa gaya ng Malaysia. Hindi raw nakapagtataka kung bakit iniiwasan ang Pilipinas ng mga investors. Binigyang-diin ni Ozalla na hindi siya namumuna. Ina-analyze lamang daw ng Spanish government ang mga sitwasyon. Dapat daw humanap ng tamang framework ang Pilipinas.
Maliwanag ang mga sinabing dahilan ng Spanish official kaya iniiwasan ng mga foreign investors. Ang kanyang mga puna ay sapat nang makapagbukas ng mga mata at isipan ng mga namumuno sa bansa lalo ang may kinalaman sa negosyo.
Kung ang mga Amerikano ay umiiyak dahil sa red tape sa Pilipinas, mas lalo pala ang mga Kastila. At mas nakahahanga ang mga Kastila sapagkat sinasabi nila nang harap-harapan ang kanilang nakikitang masamang gawain sa bansa.
Hindi na dapat magpatumpik-tumpik si Mrs. Arroyo sa pagdurog sa mga kurakot para hindi na iwasan ang bansa.