Open letter kay PGMA

Ipinauubaya ko ang aking kolum ngayon sa isang open letter para ipahatid kay Pres. Arroyo ang hinaing ng mga taga-West Bicutan, Taguig, City.
* * *
Hinding-hindi na namin makakalimutan pa, ang isang makasaysayang petsa sa aming buhay na mga taga-Western Bicutan, Taguig City, dahil iyon ang madamdamin mong pagdalaw sa aming malungkot na barangay na pinasaya lamang ng iyong memorabling pasalubong para sa mga maralitang mamamayan tulad namin.

Halos himatayin sa magkahalong pagkabigla at kagalakan, ngumiti pati ang langit at parang kulog na dumagundong ang buong kapaligiran ng Pinagsama Village dito sa Western Bicutan, Taguig City, ng sabay-sabay na maghandog ng masigabong palakpakan na may paghiyaw ng Gloria, Gloria, Gloria ang mahigit 10,000 pamilya ng mga Sitio Masagana, Katipunan, Masigasig, Matatag, Tago-Tago at Malinawag, ng lagdaan po ninyo ang makasaysayang proklamasyong 208 noong Mayo 10, 2001. Bukod sa aming mahigit na 10,000 maralitang pamilya ay sinaksihan din ng ilang opisyal ng militar ang iyong paglagda sa pangunguna ni Gen. delos Santos, Col. Buena, Col. Pilapil at maraming iba pa. Ngunit higit sa lahat, saksi namin ang Poong Maykapal ng lagdaan po ninyo mahal na Pangulo ang nasabing proklamasyon.

Mahal na Pangulo, matapos malagas sa tangkay ng panahon ang masalimuot na limang taong paghihintay, habang pinagmamasdan namin ang iyong pinakapipitagang lagda sa nabanggit na dokumento ng Proklamasyon 208, ay napansin namin na unti-unti ng kumukupas ang kanyang ningning, dahil sa napapabalitang babawiin sa amin ng militar ang lupang handog mo sa aming mga mahihirap dahil sa ilang teknikalidad lamang. Paano na lang ang aming mga bahay na naipundar sa pamamagitan ng pawis at dugo? Ang aming kapilya? Ang aming plaza? At iba pang pundar?

Mahal naming Pangulo, ginulantang ang aming katahimikan dito sa Western Bicutan, Taguig City noong Hunyo 14, 2006 habang hinihintay namin ang implementasyon ng Proklamasyon 208 ay MMDA Demolition Team ang dumating at walang habag na pinaggigiba ang aming mga bahay dito. Ang pinakamasakit sa lahat ay hindi na hinintay ng MMDA Demolition Team na maresolba ng COSLAP ang usaping ito, dahil ito ay may hearing pa sa COSLAP sa Hunyo 28, 2006. Sila ay parang mga buwitreng uhaw at gutom sa dugo at laman naming mahihirap. Habang sinusulat ang liham na ito ay nagmistulang WAR ZONE ang mga Sitio Masagana, Katipunan, Masigasig, Matatag, Tago-Tago at Sitio Maliwanag dahil sa walang patumanggang niratrat ng mga sundalong escort ng Demoliton Team kaming tahimik na mga mamamayan dito sa Western Bicutan, Taguig City, habang luhaan naming pinapanood ang walang habag na demolition.

Sa aming palagay, sa ganitong pangyayari, ay isa lamang ang kasalanang buong puso naming tatanggapin, ang isilang na isang mahirap at kapuspalad.

Mahal naming Pangulo, itutulad na lamang ba namin ang iyong pinakapipitagang lagda sa proklamasyon 208 sa bulaklak na walang bango at bituing walang liwanag? Maniniwala na po ba kaming ninakaw na rin mula sa loob ng iyong puso ng mga taong mapagsamantala, ang iyong damdaming likas na mapagmahal sa aming mga yagit at maralita?

Maraming salamat po!

Lubos na gumagalang,

–Ang nagkakaisang mga maralita
Western Bicutan, Taguig City

Show comments