Sa naging desisyon ng Korte Suprema sa PP 1017, CPR at EO 464 hindi lamang ang bayan, kundi higit sa lahat mismong ang Kataas-taasang Hukuman, ang nakinabang sapagkat naibalik nito sa sarili ang tiwala ng mamamayan.
Pagkatapos kasi ng mga kontrobersiyal na isyu at desisyong kinasangkutan nito sa nagdaang mga panahon na tila nag-iwan ng batik at malaking katanungan sa isipan ng ating mga mamamayan hinggil sa kakayahan ng ating hudikatura bilang institusyong magtatanggol at mangangalaga sa kapakanan ng bayan at sa panahong ito na halos ang mamamayan ay tila wala nang masulingan dahil sa hinalang napasailalim na wari sa orasyon ni Mrs. Gloria Macapagal-Arroyo ang lahat ng ahensiya ng pamahalaan kasama na ang hudikatura; ngayon heto at bumawi ito upang ibangon at burahin ang mga agam-agam at pag-aatubili sa isipan ng mamamayan sa kanya bilang institusyon ng katarungan. Muli pinatunayan at pinagtibay nito ang kanyang papel bilang huling tanggulan ng katarungan sa bansa, "not just once" ika nga, but thrice!
Naway magsilbing babala na itong tatlong sunud-sunod na mala-hagupit sa likod ng Administrasyon na desisyon ng Korte Suprema. Sa pangyayaring ito dapat ay wala nang mukhang ihaharap pa sa bayan si Mrs. Arroyo at kung sinuman yaong mga nagpanukala sa pagpapatupad ng PP 1017, CPR at EO 464. Nakakatatlong strike-out na sila ah!
Kung sabagay, kahit kailan ay hindi kinakitaan na nakaramdam ng hiya sa taumbayan ang mga natitira sa Malacañang. Ang ipinagtataka ko lamang ay kung bakit tila kapit-tuko hanggang ngayon ang ilan sa kanyang mga kasama sa Gabinete na sa aking personal na pagkakakilala sa ilan sa kanila ay mga taong may-prinsipyo at integridad. Kahit batid nila sa kanilang kalooban na huwad ang sinasabing "paglilingkod" daw sa bansa ni Mrs. Arroyo ay nandiyan pa rin sila. Hindi nakakapanibago kung sina Secretary Gonzales, Bunye, Mike Defensor o si Mrs. Arroyo mismo ang pag-uusapan dahil sadyang ganoon yata talaga sila. Subalit ang hindi ko maintindihan ay kung bakit pumapayag magpagamit at madungisan ang pangalan ng ilang matitinong lingkod-bayan. Hindi ko tuloy malaman kung bulag o sadyang nagbubulag-bulagan lamang ang mga ito na dati ko ring nakasama sa gobyerno. Hindi ko talaga mawari. Ang pagkakakilala ko ay marurunong, matatalino at matitinong tao rin naman ang mga ito.
Natitiyak ko na hanggang sa mga sandaling ito ay patuloy sa pagmumuni-muni ang Malacañang hinggil sa kinahinatnan ng PP 1017, CPR at EO 464. Hindi kaya isa itong masamang pangitain para sa Administrasyong Arroyo? Ano pa kaya ang susunod nilang i-imbentuhin para lamanag mapanatili ang sarili sa poder? Abangan natin.
Samantala, ipagdasal po natin na sana ay makamtan na rin ng buong sambayanan ang katarungan sa ginawang pagyurak at pagsalaula ni Mrs. Arroyo sa sagradong karapatan at damdamin ng mamamayan. Mabuhay po ang ating mga Justices, mabuhay ang Kataas-taasang Hukuman!