Paano mo malalaman kung normal o overweight o obese ka? Ang karaniwang panukat ay Body Mass Index (BMI). Konting math lang ang kailangan. I-divide ang timbang mo sa kilo ng square ng tangkad mo sa metro. Kung sa English measure, may konting kaibahan: i-divide ang timbang mo sa pounds ng tangkad mo sa inches squared, tapos i-multiply ng factor na 703. May konting kaibahan din sa quotient.
Halimbawa: Ikaw ay 70 kg ang bigat at 1.725 ang taas, na ang square ay 2.975635. Kaya 70 divided by 2.975625 equals 23.52. Kung sa English, 154 lb ang bigat at 58" o 68 in. ang taas mo, na ang square ay 4624. Kaya 154 divided by 4624, times 703, equals 23.41.
Kung ang quotient ay 18.5 hanggang 25, normal ka; hanggang 30 ay overweight; hanggang 35 ay Class-1 obese; hanggang 40 ay Class-2 obese; labis 40 ay morbidly obese. Batay sa tawag sa huli, nalalapit ka na sa hukay dahil 45 kg o 100 lb kang sobra sa normal. Anang mga doktor, ang ideal BMI sa mga Pilipino ay 22 sa lalaki at 21 sa babae.
Maraming paraan ng pagpapayat. May gamot para lusawin ang taba sa kinain. Merong operasyon, ga-susian lang ang hiwa, na tatalian ang tiyan para madali mabusog. Pero ani Dr. Reynaldo Sinamban ng St. Lukes Medical Center, ang pinaka-mabisa pa rin ay diyeta at workout.
Ilimita raw ang kanin sa isang tasa kada kain. Kung bitin, dagdagan ang ulam na gulay o pahimagas na prutas. Uminom ng dalawang basong tubig bago kumain para busog agad. Bagalan ang pagnguya. Exercise: Maglakad nang mabilis nang 30 minutos, miski tuwing makalawa.