Makamasa at matapobre

MAY kaibigan akong bumisita kamakailan kay dating Pangulong Joseph "Erap" Estrada sa kanyang rest house na nagsisilbing piitan niya sa Tanay, Rizal.

Isa siyang negosyante pero bagama’t kaibigan siya ni Erap ay never siya nagkaroon ng transaction sa gobyerno. Ayaw na ayaw niya dahil magulo raw ito at pagbibintangan lang siyang malapit o malakas kaya siya pinagbigyan.

Anyway, dinalaw niya si Erap na matagal na niyang kaibigan mula pa noong nasa San Juan ito bilang mayor ng naturang bayan.

Matagal na raw niya hindi nadadalaw si Erap pero nayakag siya ng ilang mga kaibigan at nagdesisyon siyang sumabay dahil gusto niya rin makita at kumustahin personal ang kaibigan at higit sa lahat tantiyahin kung may pagbabago ba sa dating Pangulo.

Of course, hindi niya inamin na ang isa sa dahilan kaya sumabay siya ay para makatipid sa gasolina komo napakamahal na ngayon nito. Kahit ho sa akin ay hindi niya inamin ito, pero ang katotohanan ay isa siya sa mga tunay na naaapektuhan ng patuloy na pagsama ng ekonomiya.

Hindi ko rin nga pala ibibigay ang kanyang pangalan dahil ayaw daw niyang sumikat. Low profile kasi ang kaibigan kong ito at mas nanaisin daw niyang walang nakakakilala sa kanya.

Anyway, dumating daw sila sa Tanay pasado alas dose ng tanghali dahil inabot din ng mahigit dalawang oras ang biyahe nila mula sa T. Morato, Quezon city kung saan nagkita-kita silang magkakabarkada.

Pagdating daw nila sa rest house ni Erap ay binigay lang nila ang kanilang mga pangalan sa mga pulis na nagbabantay at hindi naman daw sila hinassle at pinayagang pumasok kaagad. Tumuloy sila sa isang parte ng rest house kung saan si Erap pa mismo ang sumalubong sa kanila.

Tuwang-tuwa ito ng makita ang matagal nang hindi nakikitang kaibigan at agad agad ay tinanong sila kung nais ba nilang kumain agad dahil tanghali na o nais ba nilang ipasyal sila sa kanyang pinagagawang museum.

Hindi naman gutom ang grupo at pagod din sa kauupo kaya pinaunlakan nila si Erap at nagtungo agad sa pinagagawang museum.

Obvious daw na proud si Erap sa ginagawa niyang museum na paikot at nagpapakita ng kanyang talambuhay. Sa bungad ay larawan ng pamilya nila mula pagkabata hanggang sa may mga asawa at anak na sila. Ang isang larawan nga raw ay wala na ang ama ni Erap na halatang kinalungkot pa ng dating Pangulo ng tanungin nila.

Mula naman sa mga larawan ng pamilya ay sa mga posters at iba pang materyales ng mga sining ginawa ni dating Pangulong Erap katambal ang napakaraming mga naggagandahang mga bituin ng pelikulang Pilipino.

Andun din ang mga trophies niya na tinanggap mula sa Famas, Urian at iba pang mga award governing bodies. Of course nandun din ang posters ng pelikula nila ng yumaong Hari ng Pelikulang Pilipino, si Fernando Poe Jr.

Mula roon sa mga litrato niya naman at newspaper clippings at mga natanggap na award bilang Mayor ng San Juan na tunay na marami rin. Sari-saring litrato na sinundan naman ng ganoon ding mga naipon at mabuti naman naitagong mga awards, pictures, clippings at iba pang memorabilia noong siya ay senador.

Sinundan naman ito agad ng kanyang mga achievements bilang bise presidente, lalo na bilang head ng Presidential Anti Crime Commission. Andun ang mga clippings ng mga litrato nila ni Sen. Panfilo "Ping" Lacson na dating pinuno ng isang task force na humuli nang maraming kidnappers, holduppers at iba pang kriminal noong nasa PACC si Erap.

Mula sa pagka bise Presidente ay yung pagiging Pangulo niya na. Ang sinuot niyang barong sa kanyang inauguration. Ang ibang gamit niya at mga memorabilia na tinanggap niya mula sa iba pang head of state na nakaharap niya.

Andun rin ang mga clippings pati na ang mga negative clippings noong impeachment niya. Mga uniporme na sinuot niya sa pagdalaw sa military camps at ang pagtake-over sa Camp Abubakar mula sa MILF na sinoli naman ni Madam Senyora Donya Gloria.

Andun din ang Jeep ni Erap at sobrang haba at kulang daw ang column ko kung ilalathala lahat.

Pero ang kahuli-hulihan daw ay ang puntod ni Erap na nakahanda na. Nasa tabi ito ng isang punong dinatnan niya na roon. Gusto raw niyang maihanda at makita kung saan siya hihimlay.

Mula roon, bumalik sila sa isang parte ng resthouse kung saan nakahanda na ang pagkain. Komo gutom na, kanya-kanya sila ng kuha. Mga simpleng pagkain na may kasamang kangkong na tanim na raw ni Erap.

Habang kumakain sila kasabay ang dating Pangulo ay tumayo ito at sinabihan ang isang tauhan na patawag ang driver na nagmaneho ng sasakyan ng kaibigan natin. Pinatawag din ang mga nagtatrabaho sa museum, mga tumutulong sa kanya, mga nagbabantay at pati raw ang mga nag-deliver ng trophies at iba pang gamit sa museum.

Pagpasok daw ng mga tao, sinabihang kumain at kung ano ang kinakain nila ganun din ang sa mga ordinaryong mga manggagawa gaya ng driver, hardinero, kargador at iba pa.

Ganun naman talaga si Erap hindi kagaya ng isang mataas na mataas na opisyal na minsan maglaro sa Wack Wack kasama ang asawa at anak ay gumawa pa ng inspection nang kinain ng mga bodyguard ng anak at nagsabi na "ang lakas naman kumain ng mga aso mo."

Kakaiba talaga, isang makamasa, makatao, makamahirap at isang matapobre, mapang-api, obvious walang puso at pakialam kahit sa mga taong responsible sa security nila.
* * *
Para anumang reaksyon o kumento, mag-e-mail sa nixonkua @yahoo.com o nixtkua@gmail.com o mag-text sa 09272654341.

Show comments