Iginiit ni Vic na ang mga nasulat ay pawang kasinungalingan lamang kung saan napahiya, pinagtawanan at nasira sa kanyang mga kaibigan at sa mga taong sumusuporta sa kanya. Dahil dito sinampahan ni Vic ng libelo sina Romy, managing editor at editor-publisher ng nasabing pahayagan pati na ang bayad-pinsala nito. Sa katunayan, ang desisyon daw ng pahayagan na ilathala ang paratang laban sa kanya mula sa walang katiyakang impormasyon na ibinigay ng impormante na hindi naman tumestigo sa hukuman at hindi pagkumpirma ng katotohanan ay palatandaan na may malisya ito at hindi maituturing na isang pribilehiyong usapin na maaring mabigyan ng proteksyon. Tama ba si Vic?
MALI. Ayon sa New York Times vs. Sullivan at sa kasong Amant vs. Thompson, ang batayan ng malisya ay ang pagkakaroon ng kapabayaan sa pagtukoy ng katotohanan at ang pagkakaroon ng alinlangan ng mga akusado sa katotohanan ng kanilang naisulat at nailathala.
Sa kasong ito, ang pag-isyu ng cash advances at ang paglalakbay ng mga opisyal ay lehitimong usapin na maaaring pag-usapan hindi lamang ng media kundi pati na rin ng publiko dahil sangkot dito ang paggamit sa kaban ng bayan na nagmumula sa naibayad na buwis. Bukod dito, ang mga manunulat ay nagkakamali rin sa kanilang gawain subalit hindi nangangahulugang makakasuhan sila sa lahat ng kanilang pagkakamali. Kinakailangang may malisya ang kanilang naisulat at hindi haka-haka at kasinungalingan lamang.
Ang hindi pagkumpirma sa impormasyon ng impormante at ang hindi pagkuha ng panig ni Vic bago pa man maisulat ang balita ay hindi maituturing na pagpapabaya sa pagtukoy ng katotohanan. Ang hindi pag-testigo ng impormante at ang pagsumite ng iba pang ebidensya upang mapatunayan ni Romy na siya ay nagsagawa ng imbestigasyon upang kumpirmahin ang impormasyon ay hindi magiging negatibong punto laban sa kanya. Garantiya kasi ng Saligang Batas ang kalayaan sa pamamahayag na hindi dapat ipagkait sa bawat mamamayan upang magampanan nila ang kanilang tungkulin sa komunidad. Ang publikong pag-uusap ay isang politikal na tungkulin at ang malaking banta sa kalayaan ay ang kawalan ng pagkilos ng mamamayan (Flor vs. People G.R. 139987, March 31, 2005. 454 SCRA 440).