Si Nieto ang pangulo ng kompanya at ang pamangking si Benito Araneta ang chairman ng board. Kontrolado ng grupo ang PHC porke hindi ito pumayag na iboto ni Africa, bilang kinatawan ng Philcomsat ang 81 porsyentong sosyo nito noong 2004. Kaya ngayoy pinangunahan ni Africa sa pagprotesta laban kay Nieto ang ibang kasosyo na may 52 porsyentong sapi sa POTC at Philcomsat.
Hindi naman kinunsinti ng Securities and Exchange Commission (SEC) at agad iniutos sa PHC ang pagdaraos ng stockholders meeting nung Mayo 4. Pero dumiskarte si Nieto at hiniling na iliban ang meeting, bagay na tinanggihan ng SEC. Imbes na igalang ang atas ng SEC, nagpetisyon ang grupo ni Nieto sa Court of Appeals at humingi ng TRO para pigilin ang pulong. Inakusahan ni Jose Ma. Ozamiz, isa sa mga stockholders, ang grupo ni Nieto nang manipulasyon para manatili sa kapangyarihan ang kanyang grupo.
Iminatuwid ng grupo sa CA na nagdaos sila ng pulong nung Abril 24, 2006 para sa POTC at Philcomsat at 60-percent daw ng stockholders ang dumalo. Kuwestyonable ang pulong, ani Africa. Sa totoo, 13 porsyento lang ang sosyo ng grupo ni Nieto. Kung isasama ang sosyo ng gobyerno na 35 percent ay aabot lang sa 48 percent. Malinaw na minority ang grupo kung ikukumpara sa grupo ni Africa. Sinasabi sa regulasyon ng SEC na dapat abisuhan ang lahat ng stockhoilders bago magsagawa ng pulong. Pero paanong magagawa ni Nieto iyan eh wala naman sa grupo niya ang talaan ng mga kasosyo sa kompanya?
Kaya dahil diyan, ani Africa, hindi puwedeng maging balido ang pulong dahil walang opisyal na abiso sa mga stockholders. Komo nakataya ang sosyo ng pamahalaan, dapat nang maresolba ang hidwaang ito sa mga kompanyang nabanggit sa halip na magdaos nang walang katapusang legal battle. Si Juan dela Cruz ang apektado sa problemang iyan.
(Sa ibig mag-email, ang ating address ay alpedroche@philstar.net.ph)