Sa Pulilan, Bulacan naman ay natatangi ang parada ng mga kalabaw na sa pagharap sa pinto ng simbahan ay yumuyukod at humahalik sa lupa.
Ang mga taga-Pampanga naman ay hindi rin pahuhuli. Bantog ang husay at sarap magluto ng mga Kapampangan. Ibat ibang putahe at talagang naiiba ang lutong kare-kare at kaldereta ng pamilya ni Dolores Busos ng Masantol, Pampanga. marami rin silang handang alimango, sugpo at iba pang seafoods. Maganda ang prusisyon sa kapistahan at ang gara ng gayak ni St. Michael Archangel na patron ng mga taga-Masantol na ang pista ay tuwing Mayo 8.
Bukod sa mga pista, masaya rin ang mga Flores de Mayo at mga Santacruzan ng naggagandahang sagala. Pabonggahan ang mga hermano at hermana mayor sa kanilang Santacruzan. May mga kumbidadong artista na maging Reyna Elena at umaarkila pa sila ng mga banda sa prusisyon.
Ang Mayo ay buwan din ng mga bulaklak at romansa. Kapag Mayo ay namumukadkad ang mga rosas at masarap langhapin ang bango ng sampaguita at dama de noche. Sa mga lalawigan ay may mangilan-ngilan pa ring kabinataan na nanghaharana sa kanilang minumutyang dilag.