Kaso ang pagtatalong ginagawa rito ay nagiging personal, nauuwi ito sa dibisyon lang sa pagitan ng mga kakampi, kaalyado, kapartido, kapuso, kapamilya, karancho, mga sipsip ni Madam Senyora Donya Gloria at mga kritiko ang miyembro ng oposisyon at mga tinatawag nating grupong kaliwa.
Diyan magaling ang mga operator ni Madam Senyora Donya Gloria dahil napapalabas nila na ang isyu rito ay pulitika lamang, parehong argumentong ginagawa ng Malacañang sa pamumuno ni Presidential Spokesperson Ignacio Bunye tuwing tinatanong siya tungkol sa mga anomalyang kinasasangkot ng kasalukuyang administrasyon.
Kesa sagutin ang isyu gaya ng super over-prize na mga fertilizers na pinamahagi sa magsasaka raw sa buong bansa pati sa mga pangunahing siyudad na lupa sa paso lamang ang natitira, bailey bridges na iba-iba ang haba at taba pero iisa ang presyo at tinayo kahit sa gitna ng palayan at pinakunan ni Sen. Panfilo "Ping" Lacson upang magkaroon ng ebidensiya, ang laging kasagutan ni Bunye ay "paninira lang iyan, politika lang iyan."
Nang tanungin naman tungkol sa JOSE PIDAL accounts sa Hong Kong at iba pang bansa, pagpirma ng IMPSA contract wala pang isang linggong nanirahan si Madam Senyora Donya Gloria sa Malacañang na nanganak naman ng $2 million bank account sa Coots Bank na nilipat sa isang Swiss Bank sa Singapore at inuusisa ng Swiss Federal Government, patuloy na paglaganap ng jueteng at iba pang uri ng sugal muli ang standard na sagot nila ay destabilization lang yan, politika lang yan.
Eh paano ang pinakamahal na kalye sa buong mundo - DIOSDADO MACAPAGAL HIGHWAY, ang HELLO Garci tapes na may peke raw kaya ibig sabihin may original kathang isip din ba yun, politika lang rin ba yang mga iyan.
Never ho nila sinagot ng deretso ang mga isyu kung ano ang katotohanan dito. Magaling silang umiwas gaya na naman nitong Cha-cha na tinutulak nila sa pamamagitan ng Peoples Initiative.
Dinadaan nila sa paspasan ang nais nilang pagbabago at ang hirit pa ay kailangan daw palitan ang saligang batas dahil ito ang pinagmumulan ng gulo at kahirapan sa karamihan sa ating mga kababayan.
Ito ay kung may nais magtanong dahil hindi naman maitatago na karamihan sa pumirma ay sinabihang kapalit ito ng ilang kilong bigas, pera o di kayay attendance sa barangay meeting, pagkuha ng voters ID, health card at iba pa maliban sa katotohanan.
At ano ho ang mga katotohanang ito:
Hindi mawawala ang kahirapan sa sistemang parliamentaryo. Nasa namumuno ang magiging kaayusan ng isang bansa. Kahit na anong sistema kung ang namumuno ay walang malasakit sa bayan at sarili lang kapakanan ang laging iniisip at wala pa ring mangyayari sa atin.
Maaalis sa bawat isa sa atin ang pagpili ng ating pinuno o pangulo. Ang tanging mamimili ng Prime Minister ay ang mga member of parliament. Para ho itong speaker ng Kongreso at Senate president na pinipili ng kanilang mga kasama at hindi sambayanan.
Ang ehekutibo at lehislatibo ay magiging isa. Kung ano ang napagkasunduan ng mga member of parliament ay masusunod na. Wala nang check ang balance. Isipin nyo na lang ang kongreso natin ngayon na tuwing may kailangan ang Malacañang, lalo na nung impeachment, ang nagiging katugunan ay paano naman ang "project" namin. Lahat ng bagay idadaan na lang sa pork barrel.
Sa kasalukuyang constitution ay isang termino lang ang pangulo, dalawa sa mga senador at tatlo sa mga kongresista. Ganundin sa mga gobernador at alkalde na bawal ding magkaroon ng mahigit tatlong sunud-sunod na termino. Ito ho ay upang maiwasan ang sobrang paglalagay ng poder sa kamay ng isang individual at alisin ang mga political dynasty. Bagamat ang nangyayari ay asawa, anak, kapatid, magulang ang pumapalit, nagkakaroon ng pag-asa ang ibang magsilbi sa bayan. Wala hong monopolya ninuman ang pagsisilbi sa bayan. Sa sistemang parliamentary, maaaring magsilbi ang Prime Minister ng kahit na tatlumpung taon o higit pa basta patuloy siyang good sa kanyang mga kapartido at kabarkada. Siyempre ano ho ang kapalit sa boto ng bawat isa, as usual pork barrel. Lagi lang mamantikaan, okay na.
Iilan lang ho iyan sa mga tunay na mangyayari sa sistemang nais nitong mga nagtutulak sa Charter change. Puwera pa ho riyan yung mga maaaring isingit sa Saligang Batas kung sakaling kalikutin ito ng mga magagaling nating mga mambabatas.
Pero pinakamabigat dito, sila ang makikinabang kung anuman ang gawin nila sa ating Saligang Batas. Siyempre hindi sila gagawa ng pagbabago na makakasama sa kanila, personal man o hindi. Hindi maiiwasan ang tukso na gawin ang pagbabagong sila, asawa, anak, apo ang makikinabang.
Iyan ang dapat sagutin ng mga proponents ng pagbabago, iyan ang dapat nating itanong at usisain. Karapatan ho ng bawat isa ang alamin iyan at hindi ho iyan destabilization at politika lang.