Ayon sa isang magulang na lumapit sa BITAG, noong Nobyembre pa ng nakaraang taon kumuha ng naturang test ang kanyang mga anak para malaman kung ano ang grado o antas ng kanyang mga anak kapag itoy muling nag-aral sa susunod na school year.
Subalit nang kukunin nya na ang resulta ay tinarayan, pinagturu-turuan at kung anu-ano pa ang sinabi sa kanila. Maliban sa puro pangako na lang ng petsa ng paglabas ng resulta ay wala pang maibigay na malinaw ng pahayag kung ano ang nangyari at na-delay ang paglalabas ng resulta.
Karaniwan na sa mga empleyado ng gobyerno ang ganitong pag-uugali sa halip na ipaliwanag kung bakit nagkaganoon ay kung anu-ano pa ang sasabihin sayo.
Kayat agad tinawagan ng BITAG ang opisina ni DepEd Secretary Fe Hidalgo subalit ipinasa kami sa tanggapan ng National Education and Testing Research Center (NETRC) ng DepEd na may hawak ng naturang programa.
Sa NETRC wala ang Director na si Mrs. Nelia Benito, kayat ang nagbigay ng paliwanag sa BITAG ay ang Administration Officer na si Mr. Percival Gonzales.
Paliwanag ni Mr. Gonzales kayat naantala ang paglalabas ng resulta ng PEP test sa kadahilanang nagkaroon daw ng problema sa kuryente ang ahensiya kayat na-delay ang kanilang pag-check sa mga test paper dahil computer ang gamit nila.
At hindi lang daw iyon ang programa na kanilang hawak, isa pa raw na dahilan ay pang buong bansa ang naturang programa kayat milyun-milyon ang kumuha ng naturang exam.
Subalit bago matapos ang pag-uusap ay nagbigay ng pahayag si Gonzales na ang resultang aming hinahanap ay lalabas na sa Lunes.
Ang tanong wala bang alternatibong paraan ang DepEd para masulusyunan ang pagka-delay ng paglalabas ng resulta para hindi sana nabibitin ang pag-aaral ng mga batang kumuha ng naturang programa?
Kailangan pa ba na BITAG pa ang tumawag para lamang makapagbigay ng eksaktong sagot ang inyong tanggapan ukol sa kasong ito. Nakakadismaya pero ganoon nga ang nagyari.
Sa halip na makatulong sa mga magulang at estudyante ang naturang programa ay nagbigay pa ito sa kanila ng problema. Simpleng solusyon lang naman ng pagpapaliwanag at hindi pagpapaasa ang kaila- ngan ng mga magulang nato na ang tanging kasalanan ay isipin ang kapakanan ng kanilang mga anak sa pag-aaral.
Inaasahan ng BITAG na sa susunod ay maiiwasan na ang ganitong pangyayari. Alam naman siguro ng inyong tanggapan ang ibig sabihin ng information dissemination?
Malamang dahil kayo nga ang kagawaran ng edukasyon...