Mahihirap sumusugal sa Cha-cha

LALONG nadarama ng mga mahihirap ang bigwas ng paghihikahos. Kaya siguro maraming mamamayan ang nahikayat lumagda sa signature campaign para sa pag-amyenda ng Konstitusyon. Tutol man tayo sa Cha-cha o hindi, kung taumbayan na ang gusto ng reporma, hindi ito puwedeng salungatin. Ayon sa estadistika, 2.54 milyong Pilipino ngayon ang pinagkakasya ang P50 isang araw para sila mabuhay! All because of economic problems na hindi matugunan ng pamahalaan dahil sa walang katapusang bangayang pampulitika.

Sabi ng barbero kong si Mang Gustin, kahit anti-GMA siyang maituturing, nagsawa na siya sa palit-nang-palit ng lider sa paraang rebolusyunaryo pero lalung lumalala ang problema. Dahil diyan ay handa siyang sumugal sa cha-cha. Aniya, dapat nang baguhin ang Konstitusyon para umunlad ang ekonomiya. Sabagay, kung titingnan ang ating Saliganbatas, maraming probisyon na pumipigil sa mga negosyanteng dayuhan lalu na sa eksplorasyon ng likas na yaman, operasyon ng public utilities at pagma-may-ari ng mga industrial, commercial at residential lands at pagsali sa ilang negosyo tulad ng mass media. Kumpara sa ating mga kapit-bansa tulad ng Thailand, Malaysia at Singapore, nangungulelat tayo in terms of foreign investments. Isipin na lang na dati’y nangunguna tayo sa mga bansang iyan.

Ayon sa mga economic experts, ang restrictive provisions ng ating Konstitusyon ang dahilan. Anang mga economic experts, kapag tinanggal sa Konstitusyon ang mga probisyong ito, tiyak na bubuhos na parang agos ang pamumuhunan sa mga malalaking industriya gaya ng pagmimina, produksyon ng langis, ports, railways, at shipping. Dodoble ang ating investment mula 18 porsyento sa 35 porsyento. Kung magkagayon, makakaasa tayo ng dagsa-dagsang trabaho na malaki ang kita.

Afterall,
ang sukatan ng maunlad na ekonomiya ng mga ordinaryong mamamayan ay ang dami ng kanilang kayang bilhing kalakal at serbisyo. Kaya sabi ni Mang Gustin, agresibo siyang makitang maipatupad ang mga kailangang pagbabago sa ating Konstitusyon at baka-sakaling makatikim siya ng inaasam na ginhawa bago man lang siya pumanaw sa mundo.

Show comments