Isang linggo bago sumapit ang mahal na araw, mataas ang crime rate sa Metro Manila. At maski hindi na pagbasehan ang survey, makikita na ang nangyayaring sunud-sunod na krimen na halos ay nangyayari sa buong Metro Manila.
Ayon sa report, tumaas nang 18 percent ang krimen sa Metro Manila. Nairekord na may 4,476 krimen ang naganap sa Metro Manila sa unang tatlong buwan ng 2006. Mas mataas ang rate ng krimen ngayon kumpara noong nakaraang taon.
Pero ang sabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Vidal Querol, kaya raw mataas ang bilang ng kriminalidad sa Metro ay sapagkat nirereport na raw ng mamamayan. Hindi raw katulad noon.
Iyan ang sabi ng NCRPO. Pero kung pakaiisiping mabuti, tumaas ang krimen sa Metro sapagkat palpak ang kampanya ng kapulisan na magpatrulya lalo na sa gabi. Ang police visibility na ipinangako kung gabi ay walang nangyari. At ang resulta, umaatake ang mga halang ang kaluluwa. Wala na silang takot. Kabi-kabila ang patayan. May itinutumba kahit na mismong sa harap ng kanyang mahal sa buhay.
Umaarangkada rin ang carjacking. Bumabanat kahit sa araw. Haharangin ang nakursunadahang sasakyan, tututukan ng baril ang may-ari at saka tatangayin.
Ang pinakagrabe ay ang holdapan sa mga pampasaherong sasakyan, particular na sa mga FX. Kapag hindi ibinigay ng pasahero ang kanilang gamit halimbaway cell phone, babarilin hanggang sa mamatay katulad ng ginawa sa isang empleada ng Call center na hinoldap sa FX kamakailan lang.
Ngayong tapos na ang Mahal na Araw, tiyak na balik na naman ang mga "halang ang kaluluwa" sa paggawa ng masama. Tataas na naman ang krimen. Ngayon dapat paigtingin ng PNP ang kampanya. Police visibility ang nararapat para kriminalidad ay mawasak.