Oo nga naman, pagdebatehan na ang buod ng Charter change: ang pagbago mula presidential tungo sa parliamentary form ng gobyerno, ang pagpapaganap ng autonomy mula centralized tungo sa federal structure, at ang paghikayat ng dayuhang puhunan.
Nito kasing mga nakaraang linggo, mga pamamaraan lang, at hindi pakay ng Charter change ang laman ng balita. Puro bilangan ng ilong sa Kongreso para sa constituent assembly, o pagpirma sa Peoples Initiative. Meron ding nagsasabing hindi napapanahon ang Charter change. Pero puro yabangan at insultuhan lang ang ginagawa ng magkabilang panig. Kesyo kaya raw makahila ng 195 kongresistat senador para sa constituent assembly, pero kesyo babarahin naman ito ng Oposisyon nang 50 aayaw. Kesyo aabot daw sa 10-15 milyon ng 40-milyong botante ang pipirma sa Peoples Initiative, pero kesyo bayaran lang ang mga pumirma. Hindi naman natupad ang mga bilang, o napatunayan ang mga paratang.
Kung pagdebatehan ang mga isyu, mas maaanalisa ng publiko kung mabuti o masama sa buhay nila ang Charter change. Makakapili sila kung susuporta o tutuligsa.
Sana mag-sponsor ang malalaking TV networks ng debate. Sana magdaos din ang mga universities ng campus debates. Sa debate, bawal ang insultuhang personal at paratang na walang katibayan. Mas lumilinaw ang mga isyu imbes na nauuwi sa animoy frat rumble. Tumatalino ang madla na nagiging batayan ng matatag na demokrasya. Kung tutuusin, noon pa nga dapat nagsimula ang debate tungkol sa pakay ng Charter change. Tsaka na ang pamamaraan, kung mapasyang kailangan ito.